MULING umingay ang usap-usapan tungkol sa umano’y hindi pagkakaunawaan nina SexBomb Girls members Jopay Paguia at Rochelle Pangilinan.
Sa gitna ng mga espekulasyon, tila nais ni Jopay na ipaalala sa publiko ang naging pahayag niya tungkol dito noong 2025.
Kamakailan lang, muling ibinandera ni Jopay sa kanyang Facebook page ang isang clip mula sa naging panayam niya noong Disyembre 2025 sa “Toni Talks,” kasama ang kapwa SexBomb members na sina Sunshine Garcia at Yvette Pabalan.
Sa naturang panayam, diretsahang itinanggi ni Jopay na mayroong rivalry sa pagitan nila ni Rochelle.
“Wala po talagang issue sa amin,” sey ni Jopay.
Baka Bet Mo: Rochelle Pangilinan sa tagumpay ng Sexbomb reunion: Naiyak ako, grabe kayo!
Aminado naman siya na bilang magkakaibigan at magkakapatid sa grupo, normal lang ang pagkakaroon ng tampuhan o hindi pagkakaunawaan, pero hindi umano ito nangangahulugan na nagkakaroon sila ng kompetisyon.
“Syempre kami sisterhood, may mga pagtatalo kami, may pag-aaway kami pero pagdating doon sa kung ano ‘yung sikat si Rochelle, sikat si Jopay, si ganyan, si ganito, pantay pantay kami e,” pahayag niya.
Dagdag pa ni Jopay, hindi umano naging sukatan sa kanilang samahan kung sino ang mas sikat o mas napapansin ng publiko.
“Syempre ayun din ‘yung sinasabi namin na wala sa amin kung sikat ka or sumisikat ka, wala e,” wika niya.
Giit pa niya, “Hindi malaki ang ulo namin.”
Ang muling paglabas ng naturang pahayag ni Jopay ay kasunod ng naging panayam kay Rochelle sa “Fast Talk with Boy Abunda,” kung saan napag-usapan ang umano’y hindi pagkakaunawaan sa loob ng SexBomb Girls.
Nang matanong tungkol sa isyu, sinabi ni Rochelle na normal lamang ang pagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan kahit sa isang pamilya o grupo ng magkakaibigan.
Matatandaang muling nagkita-kita sa entablado ang ilang miyembro ng grupo para sa kanilang reunion concert noong Disyembre 2025, na sinundan pa ng iba pang proyekto at pagtatanghal.
The post Jopay Paguia pinatunayang walang ‘rivalry’ sa kanila ni Rochelle appeared first on Bandera.
