Bam sa BIR: Ipagpaliban pagpapatupad ng badge requirement 

Bam sa BIR: Ipagpaliban pagpapatupad ng badge requirement 

Bam Aquino

NANAWAGAN si Sen. Bam Aquino sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na ipagpaliban ang pagpapatupad ng requirement na Registration Seal Badge o alisin ang mga multa sa mga hindi makasusunod dito hanggang sa katapusan ng taon.

Ito’y upang hindi na umano madagdagan ang mga pasanin ng online businesses sa gitna ng krisis sa enerhiya at langis.

Ginawa ng senador ang panawagan kasunod ng mga pangamba ng ilang online business kaugnay ng patakaran ng BIR na nag-aatas sa kanila na magpakita ng badge bago o sa Oktubre 31, 2026, alinsunod sa Revenue Regulations No. 015-2024.

“Nahihirapan na nga ang ating mga online business, online sellers, pati na online creators, sa mataas na presyo ng kuryente at langis, tapos pahihirapan pa natin sila sa sa prosesong ito na wala namang benepisyo sa kanila. Hindi naman ito tama,” ani Sen. Bam, chairperson ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship.

“Dahil marami pa ring kalituhan at kakulangan sa paliwanag ukol sa patakarang ito, mas maganda kung ihinto muna ito o huwag munang patawan ng multa ang ating online businesses hanggang sa katapusan ng taon upang mabawasan ang kanilang alalahanin habang inaayos nila ang kanilang compliance,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng Revenue Regulations No. 15-2024, may katapat na multa ang mga paglabag na may kinalaman sa pagpaparehistro at pagpapaskil ng mga dokumento ng rehistro. 

Kabilang dito ang multang P1,000 para sa late voluntary registration, P1,000 para sa hindi pagpaparehistro ng pangalan ng tindahan o negosyo, at P1,000 sa bawat paglabag sa hindi pagpapaskil ng Certificate of Registration (COR) o electronic Certificate of Registration (eCOR) sa lugar ng negosyo o sa kaukulang online platform.

Hinikayat din ng senador ang BIR na magsagawa ng public consultation sa online sellers at content creators para linawin ang bagong requirement at sagutin ang mga katanungan ukol sa privacy at proteksiyon ng kanilang personal information.

“Mabuting magharap-harap ang lahat ng stakeholder upang mabigyan ng BIR ng kasagutan ang napakarami nilang tanong ukol sa panibagong requirement na ito,” dugtong niya.

Baka Bet Mo: Bam Aquino sa nanlait kay Josh: Be prepared for the consequences

Iginiit ni Sen. Bam na habang may responsibilidad ang mga negosyo na sumunod sa tax regulations, dapat ding tiyakin ng gobyerno na ang mga requirement nito ay simple, malinaw, at accessible sa mga ordinaryong taxpayers, lalo na sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs)

Bilang bahagi ng kanyang five-point agenda bilang chairperson of the Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship, layon ni Sen. Bam na bawasan ang pasanin ukol sa regulasyon sa MSMEs, artists, at content creators sa pamamagitan ng pagpapadali sa mga proseso sa pamahalaan at pag-alis sa mga hindi kailangang requirements at proseso.

Nakatuon din ang five-point agenda sa pagpapalawig ng suporta sa MSMEs, pagtataguyod ng high-growth industries, pagtatatag ng farmer at MSME support at voucher program, at pagpapalakas sa creative economy ng bansa.

Bilang matibay na tagasuporta ng MSMEs, itinulak ni Sen. Bam ang pagpasa ng Go Negosyo Act (Republic Act No. 10644) bilang principal sponsor at principal author noong panahon niya bilang chairperson ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship.

Nagbibigay ang batas ng mas malawak na access sa mga MSME sa mga merkado at financing, training at capacity-building programs, at pinasimpleng proseso ng business registration para sa mga negosyanteng nagsisimula o nagpapalago ng kanilang negosyo.

The post Bam sa BIR: Ipagpaliban pagpapatupad ng badge requirement  appeared first on Bandera.

Source link