Addiction sa droga, alak, sugal, online gaming, kailan dapat ipa-rehab?

Addiction sa droga, alak, sugal, online gaming, kailan dapat ipa-rehab?

[Trigger warning: addiction, substance use, violence]

KAPAG ni-rehab ba ang isang tao, adik na agad? Iyan ang maling akala sa mga rehabilitation center.

Ngayong Mental Health Awareness month, binigyang-linaw ito ng psychometrician at vice president ng Shelter of Hope Drug Treatment and Rehabilitation Center na si Sean Drexler Gonzales Medina.

Ayon kay Medina, iba’t ibang cases ang p’wedeng dalhin sa rehabilitation centers, kabilang ang paggamit ng ilegal na droga, pagkalulong sa alak, matinding pagsusugal, at ang bago raw ngayon, ang computer o online gaming addiction.

Dahil sa addiction sa online games, maraming bata raw ang ayaw nang mag-aral dahil mas gusto nilang maglaro, at maaaring makatulong sa kanila ang rehabilitation.

Baka Bet Mo: Maegan nasa rehab nang mamatay si Freddie: ‘Para siyang anghel’

Puwede ring matugunan sa rehab ang ilang mga behavioral issues sa mga bata, katulad ng hindi pagpasok sa school at pagsagot sa magulang.

Dagdag pa niya, makaluma na raw ang pagtawag na “adik” sa mga nalulong sa droga. Ginagamit nila ang term na People/person Who Use Drugs (PWUDs), “Kasi pag sinabi mong adik, nililabel mo yung tao… Tinatanggal natin yung label doon sa tao, kundi doon sa condition.”

Ang ilang mga senyales na kailangan na ng tulong ng rehabilitation ay ang pagnanakaw para may pambisyo, hindi pagtulog, pagkaapekto ng bisyo sa trabaho, pagpapabaya sa responsibilidad sa pamilya, at pananakit kapag wala nang pambisyo.

“Uncontrolled na eh. So if gusto niya, gagawa siya ng paraan. Be it hindi magandang paraan, gagawin niya yan para lang masolusyonan or makuha niya yung sa pambisyo niya,” ani Medina.

Dagdag pa niya, “So nilalagay dito yung tao is para magkaroon sila ng isa pang chance na ayusin yung sarili nila. Kasi mahirap mag-recover sa labas nang wala kang kasama. Mahirap mag-recover sa labas na walang nagtuturo kasi yung temptation, nandyan palagi.”

Para magkaroon ng maayos na treatment sa rehabilitation center, kailangan muna ng acceptance ng may katawan, “Hindi naman kami makakatulong kung yung residente mismo is ayaw magpatulong.”

Dagdag pa ni Medina, mahalaga rin ang suporta ng pamilya sa treatment ng residente.

“‘Yung alam nila na hindi lang ako yung nagre-rehab. Kasi dito sa atin, sa amin, even yung families, sinasabi namin, hindi po natin yan kaya na siya lang. Kailangan kasama po kayo.”

Ang Shelter of Hope Drug Treatment and Rehabilitation Center ay matatagpuan sa Purok 2 Lalaan 1st Emilio Aguinaldo Highway Silang, Cavite. Puwede silang matawagan sa 09278472771 at 09760020882.

Maaari ring makipag-ugnayan sa mga public rehabilitation center sa ilalim ng Department of Health o ng inyong LGU. 

The post Addiction sa droga, alak, sugal, online gaming, kailan dapat ipa-rehab? appeared first on Bandera.

Source link