3 estudyante patay, 6 sugatan sa pamamaril sa school sa South Cotabato

3 estudyante patay, 6 sugatan sa pamamaril sa school sa South Cotabato

TATLONG estudyante ang nasawi habang anim naman ang sugatan matapos ang isang pamamaril sa loob ng Banga National High School sa South Cotabato nitong Biyernes, September 18.

Ayon sa mga awtoridad, nangyari ang insidente bandang tanghali sa loob ng paaralan sa bayan ng Banga, kung saan kabilang sa mga nasawi ang umano’y suspek sa pamamaril.

Batay sa paunang impormasyon na iniulat ng INQUIRER, mga Grade 9 student ang kabilang sa mga biktima. 

Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang eksaktong dahilan at mga pangyayari na humantong sa insidente.

Baka Bet Mo: DOJ: 15-anyos na suspek sa school shooting napatunayang ‘acted with discernment’

Iniulat na isang Grade 9 student ang umano’y nagpaputok ng baril sa loob ng paaralan. 

Ayon sa Philippine National Police (PNP), kabilang sa mga unang tinitingnang impormasyon sa imbestigasyon ang pinagmulan ng baril na ginamit sa insidente.

Dahil sa insidente, agad na isinuspinde ang klase sa mga paaralan sa Banga bilang pag-iingat sa kaligtasan ng mga estudyante at school personnel.

Samantala, nanawagan ang mga opisyal sa mga magulang na nagmamay-ari ng baril na tiyaking hindi ito madaling maa-access ng kanilang mga anak.

Hinimok din ang publiko na maging maingat sa pagbabahagi ng mga larawan at video kaugnay ng insidente. 

Ayon sa mga awtoridad, dapat iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon at sensitibong materyal upang maprotektahan ang mga biktima at kanilang pamilya.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pamamaril habang nagbibigay naman ng psychosocial support sa mga estudyanteng naapektuhan ng insidente.

The post 3 estudyante patay, 6 sugatan sa pamamaril sa school sa South Cotabato appeared first on Bandera.

Source link