Trigger Warning: Sensitibong content tungkol sa pamamaril
HINDI agad inakala ng mga kaklase na seryoso ang sinabi ng isang 16-anyos na estudyante bago ang nangyaring pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.
Ayon sa mga awtoridad, matagal na umanong pinaghandaan ng Grade 9 student ang pag-atake at may ilang kaklase pa siyang nasabihan tungkol sa kanyang plano.
Naganap ang pamamaril noong Biyernes, September 18, kung saan dalawang estudyante ang nasawi at ilang iba pa ang nasugatan.
Namatay rin mismo ang suspek matapos ang madugong insidente.
Baka Bet Mo: 3 estudyante patay, 6 sugatan sa pamamaril sa school sa South Cotabato
Ayon kay Banga Mayor Albert Palencia, may mga mensahe umano ang suspek sa isang Messenger group chat kung saan sinabi nitong balak niyang isagawa ang pag-atake.
Iniulat na una pa niyang sinabi sa kanyang mga kaibigan na isasagawa niya ang plano noong September 3, pero hindi ito natuloy.
Sa huli niyang pakikipag-chat sa mga kaklase, muli umano siyang nagbabala at sinabihan ang mga ito na huwag nang pumasok noong araw ng insidente.
“May isang estudyante na nagsabi sa kaibigan niya na after lunch, ‘dapat mag-uwi na kayo, kasi meron akong gagawin after lunch. Baka madamay pa kayo’. Yung mga classmate niya, nagtawa, akala niya, niloloko lang sila ng shooter,” pahayag ni Palencia sa ulat ng INQUIRER.
Matapos ang tanghalian, iniulat na umalis ang suspek sa kanilang classroom at nagtungo sa katabing silid-aralan, kung saan siya nagpaputok.
Batay sa mga naunang ulat, ginamit umano ng suspek ang 9-mm pistol na pagmamay-ari ng kanyang ama, na isang empleyado ng Department of Education sa Region 12.
“Yung papa niya, shooter din. At tsaka empleyado ng DepEd Region XII. Kaya ‘yung baril, tinatago sa vault, sinira ng bata ‘yung vault at tsaka dinala ‘yung baril sa eskwelahan,” sey ni Palencia.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga posibleng dahilan sa likod ng insidente, kabilang ang mga aktibidad ng suspek sa social media at internet.
Sinusuri rin ng pulisya ang cellphone, mga gamit at iba pang personal na pag-aari ng estudyante bilang bahagi ng imbestigasyon.
The post Suspek sa South Cotabato school shooting nagbabala muna sa mga kaklase appeared first on Bandera.
