PARA sa mga impormasyong makakatukoy sa kinaroroonan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, nagkaroon na ang Philippine National Police (PNP) ng mga hotline na bukas 24 oras.
Kasabay nito, muling umapela sa Korte Suprema ang mga abogado ng senador na pigilan ang pag-aresto sa kanya at ang posibleng paglilipat sa kanya sa International Criminal Court (ICC) sa Netherlands.
Patuloy ang paghahanap kay Dela Rosa dahil sa arrest warrant na inilabas ng ICC kaugnay ng umano’y papel niya sa madugong kampanya kontra ilegal na droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nauna nang inanunsyo ni Interior Secretary Jonvic Remulla kamakailan lang ang P50 milyong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong magtuturo sa ikadarakip ng senador.
Baka Bet Mo: Bato dela Rosa binigyan ng isang linggo para sumuko
Inilahad ni PNP public information chief Col. Allen Rae Co ang limang mobile number na maaaring tawagan o i-text ng publiko kung may beripikadong impormasyon tungkol sa kinaroroonan ni Dela Rosa.
Narito ang mga numero:
GLOBE
- 0927-307-3501
- 0995-512-2729
- 0945-611-5926
SMART
- 0999-361-9878
- 0960-692-3025
Maaari ring tumawag sa 911 ang sinumang may beripikadong impormasyon tungkol sa lokasyon ng senador, ayon kay Co.
Nagbabala rin ang opisyal na maaaring makasuhan ang mga tatawag na sadyang magbibigay ng maling impormasyon.
“This is an official law enforcement resource, these are the numbers and you can be criminally charged if you play with them,” sey ni Co, na iniulat ng INQUIRER.
Ayon pa sa kanya, wala pang bagong impormasyong natatanggap ang mga awtoridad tungkol sa posibleng pagsuko ni Dela Rosa.
Patuloy rin umano ang pakikipag-usap sa isang armadong grupo na sinasabing nagpoprotekta sa senador sa Mindanao.
Ilang beses nang nagpahayag si Remulla tungkol sa umano’y kaalaman ng pamahalaan sa kinaroroonan ni Dela Rosa.
The post PNP inarangkada 24/7 hotline para madakip si Bato; may P50-M pabuya pa appeared first on Bandera.
