Modernisasyon kailangan na, hindi lang opsyon – DOJ 

Modernisasyon kailangan na, hindi lang opsyon – DOJ 

NANAWAGAN si Department of Justice Sec. Fredderick Vida na gawing moderno ang seguridad sa mga border ng bansa hindi bilang isang opsyon kundi isa nang agarang pangangailangan.

Habang nagiging mas sopistikado at walang kinikilalang hangganan ang mga sindikatong kriminal, kailangan nang pagtuunan ng pansin ang pagpapatindi ng security sa bansa.

“Criminal networks do not respect territorial boundaries; our response therefore must equally be sophisticated, coordinated and forward-looking. Modernization is no longer an option. It is an imperative,” ani Vida sa pagdiriwang ng 86th anniversary celebration ng Bureau of Immigration nitong nagdaang September 11.

Binigyang-diin niya ang patuloy na pagiging mas kumplikado ng mga banta sa mga border ng bansa, kabilang ang transnational organized crime, human trafficking, terorismo, illegal recruitment, pandaraya sa mga dokumento, identity theft, at iba pang uri ng kriminalidad na tumatawid sa mga hangganan ng bansa.

Bilang isang attached agency ng Department of Justice, patuloy na isinusulong ng BI ang mga repormang nakaayon sa digital transformation agenda ng administrasyon at sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na pabilisin ang digitalization at modernisasyon ng mga operasyon ng pamahalaan.

Ayon kay Vida, kailangang makasabay ang border management sa mga umuusbong na banta habang tinitiyak na patuloy na makakaranas ang mga lehitimong biyahero ng episyente at ligtas na proseso ng immigration.

Binigyang-diin din ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mga nagawa ng Bureau at ng mga tauhan nito, na aniya’y dapat magsilbing pundasyon para sa karagdagang mga reporma.

Baka Bet Mo: P10.74-B border security project, ‘end-to-end’ upgrade isinusulong ng BI

Nabanggit niya ang pangangailangan para sa BI na patuloy na umunlad sa pamamagitan ng teknolohiya, digitalization, mas matatag na border intelligence, at mas episyenteng proseso ng immigration.

“Nasimulan na ang ating paglalakbay, ngunit ang daan na tatahakin natin ay mangangailangan ng higit pa sa mga tagumpay. 

“Kakailanganin nating manatiling nakatuon sa ating misyon habang patuloy na nakatingin sa Bureau na nais nating maging,” ani Viado.

Inilarawan din niya ang modernisasyon bilang isang pangmatagalang pamana na maaaring itaguyod ng kasalukuyang mga tauhan ng BI para sa isang institusyong 86 taon nang naglilingkod sa bansa.

“Ang modernisasyon ay isang pamana na maaari nating ipangako sa isang institusyong 86 taon nang umiiral,” aniya pa.

The post Modernisasyon kailangan na, hindi lang opsyon – DOJ  appeared first on Bandera.

Source link