Mayor Leni nagsalita sa isyu ng P500-M para sa Robredo Coliseum

Mayor Leni nagsalita sa isyu ng P500-M para sa Robredo Coliseum

Leni Robredo at Bongbong Marcos

ISINAPUBLIKO ni Naga City Mayor Leni Robredo ang tungkol sa ibinigay na P500 milyon ng pambansang gobyerno para sa pagsasaayos ng Jesse M. Robredo Coliseum.

Ayon sa alkalde 2009 nang itayo ang istraktura at binuksan makalipas ang isang taon bilang Naga City Coliseum, bago pinalitan ang pangalan nito sa Jesse Robredo Coliseum noong 2012 nang mamatay ang kalihim sa isang plane crash.

Aniya tuwing may kalamidad ay ginagamit ang istraktura na evacuation center bagamat ang disenyo nito at ang mga pasilidad ay hindi para sa isang evacuation center.

Nang manalasa ang bagyong Kristine sa lungsod noong 2024, napuna ang mga dapat ayusin at baguhin sa coliseum.

Ayon pa kay Robredo nang maupo siya noong 2025 agad siyang naghanap ng pondo para sa rehabilitasyon ng istraktura at pinayuhan siya ni Sen. Kiko Pangilinan na maaaring sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF) ay maayos ang coliseum.

Kuwento pa nito, noong nakaraang Pebrero naaprubahan ang kanilang aplikasyon para sa pagpopondo sa proyekto at nang dumalaw sa lungsod si Pangulong Bongbong Marcos Jr. ay iniabot sa kanya nito ang tseke na may halagang P500 milyon.

Baka Bet Mo: Leni Robredo ayaw nang tumakbong pangulo: Sila na lang…ang gugulo nila

Ang P450 milyon dito ay para sa pagsasaayos at rehabilitasyon ng coliseum at ang P50 milyon para sa kakailanganin na heavy equipment ng pamahalaang-lungsod.

Hindi pa aniya nasisimulan ang pag-aayos dahil sa susunod na buwan pa makakalipat sa ibang gusali ang mga tanggapan na nasa coliseum.

Unang kinuwestiyon ni Caloocan City Rep. Edgar Erice ang motibo sa P500 milyong pondo sa pagsasabing maaaring ginawa ito para makuha ng administrasyon ang suporta ni Robredo.

Itinanggi na ng Malakanyang na may motibong politikal ang ibinigay na pondo para sa pagsasaayos ng coliseum.

The post Mayor Leni nagsalita sa isyu ng P500-M para sa Robredo Coliseum appeared first on Bandera.

Source link