UMAPELA ang kampo ni Lakambini Chiu na bawasan ang P5.8-million piyansa na ipinataw ng korte para sa pansamantala niyang kalayaan.
Nakakulong pa rin hanggang ngayon ang kapatid ng Kapamilya actress-TV host na si Kim Chiu sa Quezon City Police District-Kamuning Police Station custodial facility kaugnay ng kasong 124 counts of qualified theft.
Sa isang panayam kay Atty. Dominic Solis, legal counsel ni Lakam, sinabi nitong nag-file na sila ng mosyon sa Quezon City Regional Trial Court Branch 84 para sa hinihiling nilang “reasonable bail.”
“We have already filed a motion to reduce the bail. Napakalaki nga po ng amount na hinihingi or recommended and Ms. Chiu at this point of time simply does not have the means to post that entire amount,” ani Solis.
“Ang hiling po namin ay reasonable bail naman po na hindi magiging hadlang sa kanyang karapatan na pansamantalang makalaya habang nililitis ang kaso,” dagdag ng abogado.
Matatandaang naaresto ang nakatatandang kapatid ni Kim nitong nagdaang Linggo, September 20, sa parking lot ng isang condominium sa Mandaluyong City, sa bisa ng arrest warrant na may petsang September 8 para sa 124 counts of qualified theft.
“May natanggap kaming report about diyan sa presence ng accused doon sa area ng Mandaluyong,” sabi ni Police Lt. Col. Aljun Belista, station commander ng QC Police District-Kamuning Police Station.
“Cooperative naman po sila at parang anticipated na po na may warrant,” anang opisyal.
Baka Bet Mo: Lakam wish na magkakaayos pa sila ni Kim Chiu sa kabila ng mga kaso
Pahayag pa ni Atty. Solis sa sitwasyon ngayon ni Lakam sa kulungan, “Kagabi po, understandably, she’s a little bit shaken. Medyo bago po ito.
“Malungkot po ang pangyayaring ito lalo na’t ang kasong ito ay nag-ugat sa isang alitan ng mga magkakapatid,” aniya pa.
Ayon naman sa legal counsel ni Kim at ng kanilang kumpanyang The House of LittleBunny Philippines, Inc. (HOLB) na si Margarein Archernar Gregana, natutuwa sila sa development ng kaso.
“We are hopeful that this crucial step will expadite the ongoing legal proceedings,” ani Gregana.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y “serious financial discrepancies” sa naturang kumpanya na nagkakahalaga ng P44.4 million mula January hanggang July, 2025. Parehong stockholders sa kumpanya sina Kim at Lakam.
“These charges are strictly involves the unlawful taking of corporate funds and not a pesonal dispute between Lakam and Ms. Kim Chiu,” ani Gregana.
Sabi naman ng abogado ni Lakam, “Umaasa pa rin po kami na sana maayos po ito ng magkapatid.”
Ngunit paglilinaw ng legal counsel ni Kim, “Wala pa nagri-reach out sa amin talaga sa legal team upon filing ng complaint as to this, no offer, no anything. So, ayon. We take it as that.”
The post Lakambini Chiu humiling sa korte na bawasan P5.8-M piyansa appeared first on Bandera.
