RUMESBAK si Davao Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa naging obserbasyon ni Korina Sanchez patungkol sa ilang lugar sa Davao.
Naikuwento ng veteran broadcast journalist at TV host sa isa niyang programa nang minsang bumisita siya sa Davao.
Nagulat daw siya nang makita ang kalagayan ng ilang lugar sa naturang probinsiya na parang walang pagbabago makalipas ang mahabang panahon.
“Pumunta nga ako ng Davao eh. Sabi ko, ‘Ito na ba yun? Bakit parang ano… ako lang po ito ah… parang sinauna pa rin.’ Kasi nagre-reporter na ako noong 80’s, 90’s doon.
“Parang ganoon pa rin kung hindi lang dahil sa ilang mga hub because of Ayala or because of Megaworld, ganyan.
“Hindi mo makikita sa iba pang mga lugar ang progreso. Ganoon pa rin, napag-iwanan,” lahad ni Korina.
Iba’t iba ang reaksyon ng mga manonood at netizens sa naging pahayag ng batikang news anchor. May sumang-ayon sa kanya at meron ding nagkomento na baka raw may bahid politika ang sinabi ni Ate Koring.
Isa sa mga sumagot sa pahayag ni Korina ay ang congressman ng Davao na si Pulong Dutert.
Sa kanyang Facebook post, inalmahan ni kongresista ang mga pahayag ng beterana at premyadong TV host.
Baka Bet Mo: Claire Castro kay Pulong Duterte: Wala tayo sa barbaric world
“Madam Korina Sanchez-Roxas, eto sa akin din lang opinyon to ha.
“Kung ang tingin mo sa progreso ay puro sosyalan, high-rise buildings, malls at party-party, dyan ka na lang sa sosyalan ninyo,” simulang depensa ng anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Patuloy pa niya, “Dito sa Davao, ang pinag-uusapan namin ay kung gumagana ang gobyerno para sa ordinaryong tao—911, emergency response, peace and order, health services, disaster response, roads and basic public services.
“Hindi kailangang maging kopya ng Makati o BGC ang Davao para masabing umuunlad. At hindi rin nasusukat ang progreso ng isang lungsod sa dami ng Ayala o Megaworld projects,” ang punto pa niya.
Hirit pa ng kongresista, “NAPAG-IWANAN? Hangover ka pa ata sa last champagne party niyo ah.
“FYI lang madam, ang ekonomiya ng Davao City ang pinakamalaking ekonomiya sa Mindanao at Visayas at 601.68 billion pesos.”
“Kung gusto mong punahin ang Davao, go ahead. Pero sana ang sukatan ay serbisyo sa tao, hindi kung gaano karaming party ang nadaluhan o kung gaano karaming sosyal na establishment ang nakita mo.”
“Dito sa Davao, magandang ekonomiya at trabaho ang hanap namin—not applause from Manila.”
“Mas mahalaga sa amin ang opinyon ng aming kapwa Dabawenyo at hindi ng mga ipokritang socialite na mga kakilala niyo…
“KUMUSTA NA BA IMUNG BANA? UNSA GANI IYANG NABUHAT? GA INUM BA GIHAPON SIYA SA PLATO? KALIMOT KO SA NGALAN SORRY MADAM (Kumusta na ba ang asawa mo? Ano nga ulit ang ginawa niya? Umiinom pa rin ba siya sa plato? Nakalimutan ko ang pangalan niya, sorry, Madam),” saad ng congressman.
Bukas ang BANDERA sa magiging reaksyon ni Ate Koring sa mga hirit ni Cong. Pulong.
The post Korina Sanchez binarag ni Pulong Duterte: D’yan ka na lang sa sosyalan ninyo appeared first on Bandera.
