NABIKTIMA rin ng matinding bullying ang “Dental Diva” na si Kakai Bautista dahil sa kanyang kakaibang itsura.
Palagi siyang tinutukso at inookray ng kanyang mga kaklase noong nasa elementary at high school siya dahil sa kanyang gilagid o gums.
Ngunit sa halip na magmukmok at mag-self pity, kinarir ni Kakai ang kanyang pag-aaral para laging maging top student sa kanilang klase.
Sa guesting niya sa “i-Listen with Kara David”, napag-usapan nga ang naranasang panlalait at pambu-bully sa kanya ng mga kapwa niya estudyante sa eskwelahan.
“Hindi naman na ako naaapektuhan kapag ‘yung pinapansin ‘yung bibig ko,” ang simulang pahayag ni Kakai.
Noong bata siya, kakaiba na ang kanyang bone structure, “Kasi dati, noong dati chineck ako ng dentist, ng ortho, ‘yung bone structure ko daw at saka ‘yung process ng bone growth ko, ‘yung genes ko daw ‘pag tumatanda, gumaganu’n ‘yung bone (kumukurba).
“Kasi nu’ng bata ako makapal na ‘yung gilagid ko pero flat siya diretso siya, hindi siya naka-protrude.
“So ‘yun nga dahil ang laki ng gums, ang liit ng ipin. ‘Yun ‘yung main cause of bullying,” lahad ng komedyana.
Pagpapatuloy niya, “Nabu-bully ako kasi I’m really different. Noong bata ako, sobrang ahead ‘yung utak ko sa kanila.
Baka Bet Mo: Kakai Bautista hindi na kayang magbuntis, manganak: OK na ‘ko!
“Kasi minsan talaga naisip ko, sabi ko, ‘Hala, para akong may tililing nu’ng bata.’ Tapos lagi akong nagre-reason out sa teacher kahit elementary pa lang ako,” dugtong ni Kakai.
Isa raw sa madalas na pang-asar ng mga classmates niya ay ang bansag na “Tiger Shark.”
“Ang malala sa akin nu’ng high school ako, may isang barkadahan ng mga lalaki, mga rich kids sa high school. Tawag nila sa akin, ‘Tiger Shark.’
“Tuwing dadaan ako kumakanta talaga sila ‘yung cartoons na Tiger Shark,” kuwento pa niya, “Tapos deadma na lang ako, diretso na ako,” aniya.
Aminado siya na may pagkakataon na nakaramdam din siya ng insecurity lalo na noong mga panahong walang nanliligaw sa kanya.
“May mga times lalo noong high school kasi very crucial ‘yung stage na ‘yun, adolescence ‘yun, ‘yung magdadalaga ka.
“Nakikita mo ‘yung mga kasabay mo, mga kapitbahay ko, mga kaibigan, hala laging may manliligaw. Sa akin mga naniningil ng utang ‘yung pumupunta. Walang nanliligaw sa akin.
“Naisip ko, ‘Bakit kaya?’ Siguro nga iba kasi talaga hitsura ako, hindi ako katulad nila,” sey pa ng singer.
Kaya naman pinagbuti niya nang bonggang-bongga ang kanyang pag-aaral para makakuha ng matataas na grades.
“Deadma ako kasi 8080 (read: bobo) nga, parang, hmmm, diyan lang naman kayo matapang. Juice ko, bagsak naman kayo sa mga subject,” chika ng aktres.
“Simula noong nag-college ako hindi na ako ganu’n ka-affected kasi in-embrace ko na siya. Lalo na noong nag-showbiz ako tapos dahil sa hitsura ko parang, hala nagkaroon ako ng trabaho.
“Siguro, kasi iniisip ko nu’ng nung bata kasi ako, ang thinking ko na is kung hindi man nila magustuhan ‘yung hitsura ko, at least babawi ako sa school, babawi ako sa grades.
“Nadala ko ‘yun hanggang nu’ng nag-theater ako, hanggang sa nag-showbiz ako,” kuwento ni Kakai.
Pero nang mapasok na siya sa showbiz, may mga pagkakataon na nilalait pa rin siya, “’Yung mentor ko ng theater nu’ng nag-start ako sa theater talagang nu’ng nalaman niya ako ‘yung magbibida sabi niya ‘Wala na bang iba?’
“E, kasi maganda ‘yung character, eh. Pero siyempre kailangan mong maging magaling to deliver the portrayal of your role as you know the character,” pagbabalik-tanaw pa ng komedyana.
“Tapos kapag kumakanta ako sabi niya ‘Doon ka sa backstage sige na sige na. Ayokong makita ‘yung mukha mo.’ ‘Yung nagbibiro siya sa akin. Pero sabi ko, ‘Ay ganu’n ba? Gagalingan ko na lang.’
“So ‘yung mga ano, hindi na sila magsasalita ‘pag narinig na nila ako at nakita na nila akong mag-perform,” saad ni Kakai.
The post Kakai Bautista na-bully sa gilagid, insecure dahil walang manliligaw appeared first on Bandera.
