JUNA may pasabog na murder mystery sa music video launch ng ‘WON’T’

JUNA may pasabog na murder mystery sa music video launch ng ‘WON’T’

PHOTO: Courtesy of Sean Jimenez

HINDI lang basta music video launch ang handog ng pop artist at songwriter na si JUNA dahil ginawa niya itong isang madugong palaisipan na tila eksena sa isang crime thriller!

Sa halip na simpleng manood lang ng music video, naging bahagi mismo ng imbestigasyon ang mga bisita sa paglulunsad ng kanyang bagong single na “WON’T” noong October 22 sa FIRST Co-working Space sa Manila. 

Dumalo rin ang BANDERA sa kakaibang launch na may temang murder mystery, kung saan kailangang pagdugtung-dugtungin ng mga bisita ang mga clue upang matukoy kung sino ang pumatay sa isang lalaki.

Lalo pang naging makatotohanan ang karanasan dahil sa Filipino noir-inspired outfits at detective costumes ng mga dumalo. 

Baka Bet Mo: JUNA, Nicole Adeya, Wondrah may bagong timpla ng R&B sa ‘Table For Two’

Ang mas nakakakilig sa mga mahilig sa misteryo? 

Sa mismong lugar din kinunan ang music video ng “WON’T,” kaya tila naging bahagi sila ng mundong binuo ni JUNA para sa kaniyang kanta.

Pero hindi doon natapos ang imbestigasyon!

Sa pamamagitan ng screening ng “WON’T” music video, tuluyang nabunyag ang pagkakakilanlan ng killer, na siyang nagsilbing huling piraso ng palaisipan.

Talagang pinag-isipan ni JUNA ang konsepto ng launch dahil pinagsama niya ang musika, suspense, at audience participation para makapaghatid ng kakaibang karanasan sa mga bisita.

Pero sa likod ng misteryo at krimen sa music video, may kwentong hugot sa pag-ibig ang “WON’T” na siguradong makare-relate ang mga nakaranas nang maghanap ng kasiguruhan sa isang relasyon.

Sa eksklusibong panayam ng BANDERA kay JUNA, ibinahagi niyang isinulat niya ang kanta noong 2023, sa panahong nakararanas siya ng anxiety sa isang relasyon.

“Basically, it’s about wanting reassurance from someone. I wrote this way back in 2023, na I was stuck in this anxious and avoidant relationship and I was the anxious one,” sey niya

Patuloy pa niya, “So ‘yung concept it came to be kasi I kept asking these questions, asking for reassurance nga. And those questions turned into mystery for me na parang lagi ko siyang tinatanong kaya naging murder mystery.”

Mula sa paulit-ulit na pagtatanong at paghahanap ng reassurance, nabuo ang ideya na gawing misteryo ang kuwento ng kanta.

Kaya naman hindi lang basta tungkol sa pag-ibig ang “WON’T.” 

May dala rin itong mga tanong na maaaring pamilyar sa sinumang minsang nag-alinlangan kung sapat ba ang pagmamahal na natatanggap niya mula sa isang tao.

Bagama’t noong 2023 pa isinulat ang “WON’T,” ngayon lamang nagkaroon ng pagkakataong maibahagi ito ni JUNA sa publiko.

Ayon sa singer, marami siyang pinagdaanang pagbabago sa buhay habang patuloy na hinahanap at hinuhubog ang sarili bilang isang artist.

“I had a lot of life changes actually, and basically, I was still growing as an artist. And ayun nga, hindi ko kayang tanggapin na it was stored in the vault, so I feel like, ang daming nangyari sa buhay ko kaya ngayon talaga ‘yung pinaka-right time to release it and finally heto na. Because I’ve been singing this for a long time and sabi ko, maybe it’s time to release it,” kwento niya

Bukod sa misteryo at mga tanong tungkol sa pag-ibig, may mahalagang mensahe rin si JUNA para sa mga babaeng madalas umasa sa ibang tao upang makaramdam ng seguridad at halaga.

“To my anxious girlies, it took a long time for me to realize a lot of things and I hope that you realize your worth yourself and not find it in someone else,” aniya. 

At kung inaakala ng mga tagahanga na hanggang sa “WON’T” lamang ang kanilang dapat abangan, may pasabog pa si JUNA!

“Actually, ‘won’t’ is the start of the upcoming EP…and yeah, so abangan niyo, I will be having an upcoming EP soon and I hope you guys like it,” mensage niya. 

Para sa mga gustong makinig at alamin ang buong kwento sa likod ng misteryo, mapapanood na rin ang official music video ng “WON’T” sa YouTube.

The post JUNA may pasabog na murder mystery sa music video launch ng ‘WON’T’ appeared first on Bandera.

Source link