Higit P13-M royalties paghahatian ng singers, record labels: Dasurv!

Higit P13-M royalties paghahatian ng singers, record labels: Dasurv!

PHOTO: Courtesy of Sean Jimenez

MAY magandang balita para sa singers, musicians, record labels, at iba pang personalidad sa likod ng mga kantang madalas nating napapakinggan!

Inihayag ng Philippines Recorded Music Rights Inc. (PRM) na nakatakda nitong ipamahagi ang aabot sa P13,033,983.29 royalties para sa mga producers at performers ngayong buwan ng Nobyembre.

Ang naturang halaga ay mula sa 2025 royalty distribution cycle na sasaklaw sa mga nakolektang bayad noong nakaraang taon, kabilang ang mga payment para sa naunang licensing periods.

Ayon sa PRM, malaking hakbang ito para sa organisasyon dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay maipamamahagi nila ang royalties sa itinakdang schedule.

Baka Bet Mo: Jose Mari Chan may nilinaw sa royalties issue: ‘CD sales lang ang tinutukoy ko’

Noong mga unang taon ng kanilang operasyon, umaasa pa ang organisasyon sa manual na proseso para pagsama-samahin ang reports tungkol sa paggamit ng mga licensed music, beripikahin ang ownership information, at kalkulahin ang bahagi ng bawat rights holder.

Dahil dito, mas humahaba ang proseso bago tuluyang maipamahagi ang mga kinita mula sa paggamit ng kanilang mga recording.

Pero ngayong taon, may bagong sistema nang tutulong para mas mapabilis at maging mas maayos ang kanilang trabaho.

Kauna-unahang gagamitin ng PRM ang SoundSys by BMAT (Barcelona Music and Audio Technologies) sa pagproseso ng royalties para sa producers. 

Makakatulong ito sa pagtukoy ng mga kantang ginamit sa mga establisyemento, pag-check ng ownership information, at pagkalkula ng nararapat na bahagi ng bawat producer.

Ayon kay Ace Acosta, General Manager ng PRM, mahalagang milestone para sa organisasyon ang nakatakdang pamamahagi ngayong Nobyembre.

“This November 2026 distribution marks a defining moment for Philippines Recorded Music Rights Inc. We are preparing to distribute royalties on schedule and, for the first time, use SoundSys by BMAT to support Producer royalty processing. These improvements reflect our commitment to accuracy, transparency and reliable service. Most importantly, they support our work to ensure that performers and producers receive the remuneration they have earned,” sey ni Acosta.

Isa pa sa malaking pagbabago sa bagong distribution cycle ang mas mataas na porsyentong ibibigay sa reports tungkol sa aktwal na paggamit ng mga kanta sa mga licensed establishments.

Kabilang dito ang mga hotel, restaurant, gym, at iba pang negosyo na gumagamit ng recorded music bilang bahagi ng kanilang serbisyo at karanasan para sa mga customer.

Kung noong 2023–2024 distribution ay 70% ang weighting para sa music usage reports ng parehong producers at performers, itinaas na ito sa 84.23% para sa producers at 77% naman para sa performers sa 2025 cycle.

Ibig sabihin, mas bibigyan ng konsiderasyon ang mga kantang talagang napapatugtog sa mga establisyemento, hindi lamang ang mga sikat o madalas makita sa music charts.

Sa ganitong paraan, mas nagkakaroon din ng pagkakataon ang mga recording na regular na ginagamit sa mga negosyo na makatanggap ng kaukulang pagkilala at royalties.

Nilinaw naman ng PRM na ang mga porsyentong ito ay tumutukoy sa weighting ng music usage reports sa kanilang computation methodology at hindi sa mismong porsyento ng matatanggap na bayad.

Patuloy ding gagamitin bilang supplementary references ang Official Philippines Chart ng International Federation of the Phonographic Industry (IFPI) at radio monitoring data mula sa BMAT.

Hindi lamang ang mga sikat na singer o pangunahing artist ang sakop ng pamamahaging ito.

Kabilang sa mga beneficiaries ang producers, gaya ng record labels at iba pang rights holders na nagmamay-ari o kumokontrol sa rights ng sound recordings.

Sakop din ang featured performers o pangunahing artist na maririnig sa recording, gayundin ang non-featured performers tulad ng session musicians na tumutulong sa pagbuo ng isang kanta.

Nakikipag-ugnayan ang PRM sa 14 record labels at music rights partners para sa pamamahagi, kabilang ang Universal Music Group, Sony Music Entertainment, Warner Music Group, BMG Rights Management, Universal Records, The Orchard, PolyEast Records, GMA Music, Alpha Music, Soupstar Entertainment, Star Music, Dyna Music, peermusic, at PPL UK.

Gayunman, hindi pa tinutukoy ang eksaktong bilang ng individual performers na makatatanggap dahil isinasagawa pa ang final computation at verification.

Bago tuluyang ilabas ang bayad, kinukumpleto pa ng PRM ang huling pagsusuri sa music usage records, ownership details, at royalty calculations.

Para naman sa mga nalilito kung ano ang pinagkaiba ng PRM at FILSCAP, magkaiba ang karapatang kanilang pinangangasiwaan.

Ang PRM ay nakatuon sa rights ng sound recordings para sa producers at performers, samantalang ang FILSCAP o Filipino Society of Composers, Authors and Publishers, Inc. ay namamahala sa rights ng musical compositions para sa composers, lyricists, at music publishers.

Kaya maaaring kailanganin ng isang negosyo ang lisensya mula sa dalawang organisasyon depende sa paggamit nito ng musika.

Samantala, bilang bahagi ng kanilang Distribution Press Conference and Showcase na nasaksihan ng BANDERA kamakailan sa Backspacer Records sa Pasig City, nagkaroon din ng pagkakataon ang media, artists, members, at iba pang industry stakeholders na makasama sa pagtitipon.

Nagtampok din ito ng performances mula sa Filipino artists na sina LEYO at Jarlo Bâse ng Sony Music Philippines.

Sa pamamagitan ng mas maayos na sistema, mas mahigpit na verification, at napapanahong pamamahagi, layunin ng PRM na matiyak na hindi napupunta sa wala ang pinaghirapan ng mga taong nasa likod ng mga recording na nagbibigay-aliw sa publiko.

Dahil sa bawat kantang pinatutugtog sa restaurant, hotel, gym, at iba pang negosyo, may mga artist at music professionals na nararapat ding makatanggap ng kabayaran sa kanilang talento at kontribusyon sa industriya.

The post Higit P13-M royalties paghahatian ng singers, record labels: Dasurv! appeared first on Bandera.

Source link