“SOBRA-SOBRANG” pride ang hatid ni Carmelle para sa Pilipinas matapos magwagi bilang kauna-unahang champion sa “Eurovision Song Contest Asia”.
Ito’y ginanap kagabi, November 14, sa Bangkok, Thailand kung saan ibinandera ng Kapamilya singer ang hindi matatawarang talento ng Filipino sa international stage.
Nagets niya ang atensyon ng mga manonood worldwide at nagpabilib sa kanyang galing sa pag-awit ng “Sobra-Sobra,” pagsayaw, at pag-rap.
Nagbigay rin ng tribute ang kanyang performance sa mga iconic na Pinay sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanilang mga pangalan sa stage.
Nagwagi ang Kapamilya artist laban sa 10 iba pang finalist mula sa Vietnam, Cambodia, Laos, Mongolia, Bhutan, Bangladesh, Thailand, Republic of Korea, Nepal, at Malaysia.
Nanguna siya sa boto ng mga hurado at nakakuha ng 93 puntos at nanguna rin sa boto ng mga manonood na nagbigay sa kanya ng 118 puntos, kaya nasungkit niya ang kabuuang 211 puntos at pinangalanang Eurovision Asia 2026 winner.
Tampok sa winning performance ni Carmelle ang kantang “Sobra-Sobra,” na isang empowerment anthem mula sa panulat nina Mat Olavides at Nica del Rosario na hatid ang mensahe ng lakas, kumpiyansa, at pagpapahalaga sa sarili ng mga kababaihan.
Baka Bet Mo: Carmelle naimpluwensiyahan ng Pussycat Dolls, Spice Girls!
Suportado ang Eurovision journey ng dalaga ng ABS-CBN at ng kanyang music label na Star Music, na patuloy na nagbibida ng OPM at nagpapakilala ng Filipino artists sa global stage.
Nakilala si CARMELLE bilang “Tawag ng Tanghalan: The School Showdown” champion sa “It’s Showtime” noong 2025.
Bago ito, naging 1st runner up din siya sa “The Voice Kids Philippines” season 4 at nagwagi ng pitong gold medals mula sa World Championships of Performing Arts (WCOPA) noong 2019.
Siya ang nanalo mula sa 10 contender sa ginawang Philippine Selection Night para sa Eurovision Asia noong Agosto.
Nagsilbing selebrasyon ng musika at kultura sa Asya ang kauna-unahang “Eurovision Song Contest Asia.”
Ipinagpapatuloy nito ang legacy ng Eurovision, ang longest-running annual international television music competition na mula sa European Broadcasting Union.
Napanood ang Eurovision Asia sa Pilipinas sa iba’t ibang platforms ng ABS-CBN na nagsilbing broadcast partner nito sa bansa.
Nagkaroon din ng espesyal na partisipasyon si Vice Ganda sa pag-anunsyo ng resulta mula sa pagboto ng mga hurado na galing sa Pilipinas.
The post Carmelle first grand champion sa Eurovision Song Contest Asia appeared first on Bandera.
