Bagong korona para sa 75th Miss Universe sa Puerto Rico ibinandera

Bagong korona para sa 75th Miss Universe sa Puerto Rico ibinandera

Photo from Miss Universe Organiation Instagram

MAS magiging espesyal ang ika-75 edisyon ng Miss Universe this year dahil ibabandera rito ang bagong crown para sa susunod na reyna.

Ito na ang ika-14 disenyo ng korona sa kasaysayan ng Miss Universe, na tiyak na magiging bahagi na naman ng makulay na tradisyon ng kompetisyon.

Personal na ipinakita ni Miss Universe Organization (MUO) CEO Ronald Day ang bagong korona with the theme “The Radiance of an Eternal Legacy” sa ginanap na “The Miss Universe Experience” sa Plaza Las Americas sa San Juan, Puerto Rico noong Nobyembre 12 (Nobyembre 13 sa Manila).

Hindi basta-basta ang pinagmulan ng bagong crown dahil likha ito ng kilalang Venezuelan jewelry at crown designer na si George Wittels.

Si Wittels din ang nasa likod ng mga korona ng Miss Venezuela, Miss Grand International at Miss Supranational. Kabilang sa kanyang mga obra ang “Fioletowa” crown na kasalukuyang isinusuot ni Miss Supranational Katrina Llegado ng Pilipinas.

Nakipag-collab ang designer sa French jewelry house na Maison d’OR para mabuo ang bagong crown na talaga namang agaw-eksena ang pagkinang.

Gawa ito sa 18-karat white gold at pinalamutian ng 3,150 piraso ng diyamante. Mayroon din itong tatlong pangunahing bato sa gitna na sumisimbolo sa nakaraan, kasalukuyan at hinaharap.

Dahil sa bagong design, pansamantalang magpapahinga ang “Lumiere de L’Infini” (The Light of Infinity) na likha ng Filipino jewelry brand na Jewelmer.

Ito ang kauna-unahang Miss Universe crown na gawa ng mga Pilipino. Gawa ito sa ginto at pinalamutian ng South Sea pearls at mga diyamante. Ginamit ang naturang korona noong 2024 at 2025.

Baka Bet Mo: Bea Windorski mas excited sa public service kesa maging beauty queen

Hindi na bago sa Miss Universe ang pagpapalit ng korona. Sa loob ng mahigit pitong dekada, iba’t ibang disenyo na ang ginamit upang parangalan ang mga nagwawaging beauty queen.

Noong 1952, ang kauna-unahang Miss Universe na si Armi Kuusela ang unang kinoronahan gamit ang heirloom na Romanov Imperial Nuptial Crown.

Sinundan ito noong 1953 ng Romanov Metal Bronze Diadem Crown.

Mula 1954 hanggang 1960, ginamit naman ang “Star of the Universe” crown bago ito pinalitan ng 10th-anniversary rhinestone crown noong 1961 at 1962.

Noong 1963, ipinakilala ang Sarah Coventry “Lady” design. Ito ang korona na ginamit nang masungkit ni Gloria Diaz ang kauna-unahang Miss Universe crown para sa Pilipinas.

Taong 1973 naman nang koronahan ang ikalawang Pinay winner na si Margie Moran gamit ang Sarah Coventry “Chandelier” crown.

Naging isa ito sa pinakakilalang disenyo sa kasaysayan ng pageant dahil ginamit ito hanggang 2001.

Noong 2002, muling nagkaroon ng bagong crown design sa pamamagitan ng Mikimoto “Phoenix” crown. Ginamit ito hanggang 2007 at muling ibinalik noong 2017 at 2018.

Ito rin ang koronang isinuot ni Catriona Gray nang masungkit ang ikaapat na Miss Universe crown para sa Pilipinas noong 2018.

Para naman sa kauna-unahang Miss Universe pageant sa Vietnam noong 2008, gumawa ng sariling disenyo ang Vietnamese jeweler na CAO Fine Jewelry.

Noong 2009, binigyan ng pagkakataon ang mga pageant fans na pumili ng bagong korona sa pamamagitan ng online poll. Tatlong disenyo mula sa Diamond Nexus ang pinagpilian at ang “Peace” crown ang nanalo. Ginamit ito hanggang 2013.

Noong 2014, nakipagtulungan naman ang reigning queen noon na si Gabriela Isler ng Venezuela sa Diamond International Corp. para sa panibagong disenyo.

Ito ang koronang ginamit hanggang 2016 at isinuot din ni Pia Wurtzbach nang manalo siya bilang Miss Universe noong 2015.

Samantala, noong 2019 ay ipinakilala ng Mouawad, isang jewelry house na itinatag sa Lebanon, ang “The Power of Unity” crown na ginamit hanggang 2021.

Pinalitan ito ng “Force for Good” crown na ginamit naman noong 2022 at 2023.

Painit na nang painit ang excitement para sa 75th Miss Universe na gaganapin ang coronation night sa Coliseo de Puerto Rico Jose Miguel Agrelot sa San Juan, Puerto Rico sa Nobyembre 24 (Nobyembre 25 sa Manila).

Si reigning Miss Universe Fatima Bosch ng Mexico ang magpuputong ng korona sa kanyang successor sa pagtatapos ng engrandeng pageant.

Ang bet ng Pilipinas para sa taong ito ay si Bea Millan-Windorski na handang-handa na sa pakikipagpuksaan sa kanyang mga kalaban.

Sino kaya ang susunod na beauty queen na magiging proud owner ng bagong “The Radiance of an Eternal Legacy” crown? Abangan!

The post Bagong korona para sa 75th Miss Universe sa Puerto Rico ibinandera appeared first on Bandera.

Source link