Ai Ai delas Alas umamin: Mas magaling akong nanay kesa asawa

Ai Ai delas Alas umamin: Mas magaling akong nanay kesa asawa

Ai Ai delas Alas, Gerald Sibayan at Sancho Vito delas Alas

SINUBUKAN pa pala ng magkapatid na Sancho Vito at Sophia delas Alas na i-save ang marriage ng kanilang inang si Ai Ai delas Alas at ex-husband nitong si Gerald Sibayan.

Siyempre, gusto lamang makatulong nina Sancho at Sophia sa ex-couple at bilang mga anak, nais nilang maayos ang pagsasama ng dalawa bilang mag-asawa.

Pag-amin ng aktor, totoong naapektuhan din silang magkapatid nang tuluyan nang maghiwalay ang ina at si Gerald.

“Pinoproblema namin paano na nga si Mama ngayon?” ani Sancho sa panayam ng “Fast Talk with Boy Abunda.” Kasabay nito ang pag-amin ng pag-trigger ng kanyang psoriasis dahil sa stress.

“To be honest ang feeling ko tumatanda lang si Mama na tinotopak lang kasi when we heard about it parang walang ibang solusyon kung hindi maghiwalay. 

“E, kami, wala na kami sa edad na umoo lang sa kung ano ang sinasabi ni Mama. So tinray namin to fix. We tried fixing it. 

“Tapos tinray namin to figure out kung ano ba ang nangyayari between them na pwede bang, ‘Soph, kausapin mo si Gerald, alamin mo kung ano ang nangyayari at kung ano ang gustong gawin.

“‘And kakausapin ko si Mama, papalamigin muna natin, iintindihin natin kung ano ang gusto niyang mangyari.’ Kasi ngayon ang usapan lang, ang naririnig ko lang ay hiwalay-hiwalay na. For me kasi Tito Boy kasal kayo sa simbahan. 

“May nagkasal sa iyo na limang bishop, na parang hindi pa ba enough ‘yon para maging strong ang marriage niyo,” lahad pa ng character actor.

Baka Bet Mo: Ai Ai delas Alas ibinandera bonggang wedding: Again!? Surprise!!!

“Hanggang sa dumating ‘yung point na, ito kasi si Mama hindi niya sinasabi lahat, hanggang kaya niyang akuin, tiisin na ako lang at hindi ko na kayo idadamay. 

“E, kaso shaky na kami, kami dapat ang magkakampi. Parang nagkakaroon kami ng doubts noong una kay Mama na baka tinotopak lang,” dagdag na pahayag ni Sancho.

Kasama ring nag-guest ni Sancho si Ai Ai sa “Fast Talk” at inamin niyang may mga pagkakataon na feeling niya kampi pa kay Gerald ang mga anak niya.

“Magwa-one year kaming hindi nag-usap ni Sophia. Feeling ko ‘anak kita, ako ‘yung iniwan. Bakit parang kumakampi ka kay Gerald?’ 

“So one year kaming hindi nag-usap, kailan lang kami nag-usap. Kaya itinatago ko lahat, pain, lahat ng sakit kasi ayaw kong saktan ang mga anak ko. 

“‘Yung kung kaya kong tiisiin lahat ng sakit para hindi sila maapektuhan dahil sobra ko silang mahal, sila ang buhay ko. 

“Sabi ko nga mas magaling akong nanay kaysa sa magaling akong asawa kasi mas pinoproteksyunan ko ang mga anak ko kaysa doon sa nararamdaman ko para magkaroon ako ng dyowa o asawa. So ‘yun talaga ang reason,” paliwanag ng Comedy Queen.

Naintindihan naman ni Ai Ai na gusto lamang ng mga anak niya na i-save ang marriage nila ni Gerald at hindi hiwalayan agad ang solusyon.

“Pero noong sinasabi ko sa kanila ‘yung totoong dahilan doon na sila nag-decide na ‘ah kaya pala gusto ito ni Mama,’” ani Ai Ai.

Komento naman ni Sancho, “Naintindihan namin at saka wala naman kaming ibang iintindihin kung hindi ang nanay namin. E, nanay namin ito, kakampi namin ito.’” 

Ikinasal sina Ai Ai at Gerald noong 2017 at pagsapit ng 2024 ay natapos na ang kanilang pagsasama matapos makipaghiwalay ang huli sa pamamagitan lamang ng text message.

Nito lamang unang quarter ng 2026 ay mismong si Ai Ai ang nagkumpirma na divorced na siya kay Gerald.

The post Ai Ai delas Alas umamin: Mas magaling akong nanay kesa asawa appeared first on Bandera.

Source link