HINDI lang sa loob ng Bahay ni Kuya pinag-uusapan ang “Pinoy Big Brother Collab 3.0” housemate na si Jeo Ong kundi maging sa buong Pilipinas na rin.
In fairness, ang ingay-ingay ngayon ng pangalan ni Jeo Ong na isang content creator at tinawag na “Adventure Boy-Next-Door ng Palawan” sa pagpasok niya sa latest edition ng “PBB.”
Puro mukha nga niya ang makikita ngayon sa social media at ang mga nakakaaliw at nakakakilig na eksena niya sa loob ng Bahay ni Kuya.
At dahil diyan, pati ang ilang negosyo ay nakikisakay na rin sa kanyang sumisikat na pangalan
Patok na patok ngayon ang face card ni Jeo na tila naging inspirasyon ng ilang business establishments sa kanilang kakaibang promotional gimmicks.
Ang challenge? Maghanap ng mga taong kamukha ng binata kapalit ng libreng produkto o serbisyo!
Isa sa mga naki-ride sa Jeo Ong craze ang isang gym na nag-aalok ng libreng isang buwang gym access sa sinumang makapapasa sa kanilang look-alike challenge.
Sa Facebook post ng South Gym Athletics noong Nobyembre 5, mababasa ang kanilang announcement.
“Masipag ka ba sa gawaing bahay at feeling mo kasing pogi mo si Jeo? Pasok ka sa banga! Libre na 1 month gym access mo.”
Baka Bet Mo: Good looks ni Jeo Ong may koneksyon daw sa Korean drama na Jumong?!
May dagdag-challenge pa ang gym dahil kailangang magwalis at gayahin ang viral posing ni Jeo sa harap ng mga staff upang mapatunayan kung talagang kamukha niya ang contestant.
Hindi rin nagpahuli ang isang computer at laptop store na may pa-free gaming headphones o mouse para sa mga makakukuha ng kanilang approval bilang Jeo Ong look-alike.
“Mission impossible ba ‘to?” ang caption ng naturang kumpanya sa kanilang social media post.
May isa pang laptop store na mas bongga ang offer dahil libreng laptop naman ang ipinangako sa sinumang makapagta-tag ng taong kamukha ng “PBB” heartthrob.
“Tag mo na ang tropang kamukha niya! Baka swertehin!” ang mensahe pa sa post.
Maging ang isang kilalang review center ay nakisali na rin sa trending challenge. Nag-aalok ito ng libreng review para sa mga Jeo Ong look-alike na maghahanda para sa Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT) sa March 2027.
Dahil sa mga nakatutuwang paandar na ito, dagsa naman ang mga netizen na nagprisintang sumali sa challenge at nag-post ng kani-kanilang entries sa comment section.
Noong October 24, opisyal na pumasok si Jeo sa Bahay ni Kuya bilang isa sa mga housemate ng “PBB Celebrity Collab 3.0.”
Agad na napansin ng mga manonood ang pagiging masipag at maalaga niya sa loob ng bahay. Kabilang sa mga ikinaaliw ng viewers ang kusa niyang pag-aayos ng mga kama sa boys’ bedroom, paghuhugas ng pinggan at pagtulong sa paghahanda ng pagkain.
Naging viral meme rin ang kanyang mga larawan habang may hawak na walis o mop, dahilan para mas makilala ang kanyang signature look.
Isa rin sa mga pinag-usapan ang pagtuturo niya kay fellow housemate Primo Alterado kung paano ang maayos na pag-aayos ng higaan.
Sa mga nagtatanong, si Jeo ay anak ng kilala ring content creators na sina Geo at Janice Ong, na bahagi ng popular na online family na Ong Fam.
Ipinanganak siya noong December 21, 2007 mula sa Puerto Princesa City, Palawan.
Nag-graduate siya last June, 2026 ng senior high school sa Southville International School Affiliated with Foreign Universities sa ilalim ng Accountancy, Business and Management (ABM) strand.
Gaya ng kanyang parents, pinasok din ni Jeo ang pagiging vlogger at meron na ring milyun-milyong followers sa kanyang social media platforms.
The post Mga ka-face ni Jeo Ong may free laptop, gym access, headphones appeared first on Bandera.
