HINDI napigilang magpaabot ng mensahe ng suporta si Tuesday Vargas para sa mga Kapamilyang naapektuhan ng pinakahuling retrenchment program ng ABS-CBN.
Sa isang post sa social media, binalikan ng aktres at komedyante ang mahigit dalawang dekada niyang paglalakbay bilang artista at kung paano naging bahagi nito ang mga empleyado ng Kapamilya network.
“Sa aking mga kapamilya sa [Red, green, blue hearts emojis] Lubos puso po akong nakikiisa sa 230 nawalan ng trabaho noong nakaraan,” sey ni Tuesday.
“Marami po sa inyo ay naging kasama ko sa aking pagsisimula bilang artista at naka-buo po tayo ng maraming magagandang palabas. Pero higit pa doon, marami po tayong [mga] alaala na nabuo rin na napaka ganda,” wika pa niya.
Baka Bet Mo: Tuesday Vargas: Paano umabot na nilagay na ng mga bata sa kamay nila ang batas?
Ikinuwento rin ni Tuesday ang ilan sa mga unang karanasan niya bilang performer na kasama ang mga Kapamilya.
“Unang abroad ko bilang performer ay kayo ang aking kasama, unang teleserye, unang album. Sa mahigit na dalawang dekadang yun ay masasabi kong nahubog ng network ang aking husay pero kayong mga tao sa loob ang tunay na gumawa ng magic na yun,” saad ni Tuesday.
Mensahe niya, “Salamat po sa pagod, puyat, pagmamahal at dedikasyon. Hindi ito ang pagtatapos, magkikita po tayo sa iba pang produksyon.”
Dagdag pa niya, umaasa siyang panibagong oportunidad ang naghihintay sa mga Kapamilyang kasalukuyang dumaraan sa mahirap na yugto.
“Salamat po sa serbisyo at gabayan nawa kayo ng Diyos sa susunod na chapter. Kapit lang po tayo,” patuloy niya.
Nagbahagi rin si Tuesday ng sarili niyang karanasan sa pagharap sa mga pagsubok bilang paalala na posible pa ring makabangon matapos madapa.
“Ako man na minsan nadapa naka-bangon din. Tayo rin po ay makaka lampas dito. Padayon kapamilya,” aniya.
<iframe src=" width="500" height="304" style="border:none;overflow:hidden" scrolling="no" frameborder="0" allowfullscreen="true" allow="autoplay; clipboard-write; encrypted-media; picture-in-picture; web-share"></iframe>
Noong September 15, inanunsyo ng ABS-CBN ang pagpapatupad ng retrenchment program bilang bahagi ng mga hakbang nito para mapanatiling matatag ang pinansyal na kalagayan ng kumpanya.
Ayon sa network, nasa humigit-kumulang 200 empleyado o 7% ng workforce ang saklaw ng programa.
Ipinaliwanag din ng ABS-CBN na naapektuhan ang content industry ng mga hamon tulad ng mataas na inflation, mabagal na economic growth, at paghina ng advertising at consumer spending.
The post Tuesday Vargas sa Kapamilyang naapektuhan ng retrenchment: ‘Kapit lang po tayo’ appeared first on Bandera.
