NANINDIGAN ang award-winning actor na si Romnick Sarmenta sa kanyang posisyon hinggil sa isyu ng Pax Silica sa Pilipinas.
Naniniwala ang seasoned actor na hindi fair ang magiging pakinabang ng mga Pilipino sa planong pagtatayo ng Pax Silica sa bansa.
Sa ibinahaging video ni Romnick sa kanyang X account, ipinagdiinan niyang matagal nang sinasabing masikip, watak-watak at overpopulated na ang Pilipinas.
Pero bakit pa raw pipiliin ng mga foreign investors ang Pilipinas para magtayo ng data centers ng Pax Silica at hindi sa mas malaki at asensadong mga bansa.
“Sabi nila, ang bansang Pilipinas ay maliit, masikip, watak-watak na mga isla, at overpopulated. So ang tanong ko, bakit dito itatayo ‘yong Pax Silica na data centers?” simulang punto ng aktor.
Patuloy niya, “Bakit hindi sa mga bansa ng mga foreign proponents kung saan mas malawak at wala sigurong madi-displaced na indigenous people at mga magsasaka?
“Kasi kung sasabihin nila na pagtutulong iyon at gusto nilang makapagbigay ng trabaho sa mga Pilipino, puwede naman nilang itayo sa mga bansa nila.
Baka Bet Mo: Romnick Sarmenta naglabas ng saloobin sa pamamaril ng mga menor de edad
“Tapos i-open nila ‘yong employment para sa mga qualified Filipinos,” saad pa niya.
Katwiran pa ni Romnick, “Alangan naman construction worker lang tayo tapos iba ‘yong makikinabang. Ganoon ba ‘yong usapan?
“Hindi ko alam. Marami akong hindi alam, marami pa akong dapat na matutunan at pag-aralan,” sey ng beteranong aktor.
Banat pa ni Romnick, hindi nangangahulugan ng tulong para sa mga Pilipino ang paggamit ng mga foreign investors ng natural resources, pagpapatag ng kabundukan, planong pagputol sa mga puno, at pagpapalayas sa mga katutubo at magsasaka ng Pilipinas sa kanilang lupa.
“Pero ang malinaw sa akin, hindi pagtulong ‘yong natural resources natin ang gagamitin, lupa natin ang gagamitin, papatagin ang mga bundok, puputulin ang mga puno, tatanggalan ng lugar ‘yong mga magsasaka at saka ‘yong mga indigenous people, tapos tulong ‘yon sa atin?
“Paano ‘yon naging tulong sa atin? Hindi malinaw, e,” sabi pa ng aktor.
Noong nakaraang buwan, lantaran nang tinutulan ni Romnic ang Pax Silica. Aniya, hindi kailangan ng Pilipinas ang Artificial Intelligence (AI) center hubs.
The post Romnick Sarmenta nanindigan, hindi tulong ang Pax Silica sa Pinas appeared first on Bandera.
