MAKALIPAS ang dalawang dekada, opisyal nang nagbabalik sa music scene ang SexBomb Girls sa kanilang pinakabagong single na “Mama Mama.”
Isa na naman itong isang espesyal na kabanata para sa iconic group at mahalagang milestone para sa founding member at leader na si Rochelle Pangilinan, na ngayon ay nagsisilbi rin bilang co-producer.
Huling nag-ingay nang husto sa music scene ang SexBomb Girls sa pamamagitan ng mga album gaya ng “Sumayaw, Sumunod: The Best of the SexBomb Girls” noong 2005 at “Daisy Siete: V-Day” noong 2006.
Ngayon, makalipas ang halos 20 years, nagbabalik si Rochelle hindi lang as a performer kundi bilang bahagi rin ng creative force sa likod ng kanilang pinakabagong musical offering.
Para kay Rochelle, ang “Mama Mama” ay patunay kung gaano na kalayo ang kanyang narating bilang isang artist—mula sa pagiging isa sa mga nagbigay-kahulugan sa SexBomb era hanggang sa pagyakap niya sa mas malaking papel sa likod ng kamera bilang isang producer.
May kasama ring music video ang bagong single ng grupo kasama ang mga sumisikat na P-pop acts ngayon.
Baka Bet Mo: Rochelle Pangilinan, Jopay Paguia may iringan nga ba?
Pinagdurugtong nito ang dalawang henerasyon ng musikang Pilipino habang ipinagdiriwang ang matibay na samahan ng grupo, ang walang kupas nilang appeal, at ang kanilang pangmatagalang legacy.
Mula nang ilabas ang music video ng “Mama Mama”, nakakuha na ito ng 2 million views, na nagpapatunay na patuloy pa ring kinagigiliwan ng mga manonood ang SexBomb Girls hanggang ngayon.
Sa pamamagitan ng “Mama Mama,” pinatunayan nina Rochelle at ng SexBomb Girls na may mga bagay na mas bumobonga at nagiging exciting habang tumatagal.
The post NEW ERA: Rochelle Pangilinan co-producer ng ‘Mama Mama’ ng SexBomb appeared first on Bandera.
