HINDI pinalampas ni Aga Muhlach ang pagkakataong ipagtanggol ang anak na si Atasha mula sa mga natatanggap nitong batikos kamakailan lang.
Ito ay kaugnay ng pagganap ng dalaga bilang Annie Batungbakal sa bagong produksyon na “Bongga Ka ’Day: The Annie Batungbakal Musical.”
Kasama ang asawang si Charlene Gonzales, present si Aga sa opening night ng musical upang magbigay suporta sa anak.
Sa interview ng ABS-CBN, sinabi ni Charlene na nakita nila mismo ang paghahanda at hirap na pinagdaanan ng kanilang anak para sa proyekto.
Baka Bet Mo: Atasha Muhlach hinangaan ni Direk Millado, PETA sa audition ng ‘Annie Batungbakal’
At kasunod nga nito, napag-usapan ang mga pambabatikos na natatanggap ni Atasha bago pa man niya simulan ang naturang role.
Para kay Aga, mas mabuting huwag nang pagtuunan ng pansin ng kanyang anak ang mga negatibong komento at sa halip ay magpokus sa trabaho.
“I’ll be honest, sa mga tumira sa kanya noon talaga. Sabi ko, ‘Huwag mo na lang pansinin,’ di ba? Ganun talaga, e. ‘Malaki yung show, ang gagawin mo. And this is work’,” sey niya.
Mensahe pa niya: “And sa mga tumira sa kanya, galing sa isang ama po. Nagtatrabaho lang yung bata, ‘di ba?
“Wala namang pinagyayabang. Gusto lang maghanapbuhay. Gustong gumawa ng show,” sambit pa niya.
Aniya, “Sa lahat ng nagmamahal, maraming-maraming salamat po sa inyong lahat.”
Samantala, simple lang din ang mensahe ni Charlene para sa anak at sa iba pang taong may pangarap na gustong abutin.
“Ang sa akin lang, just you know, continue to be strong, and not just for Atasha but for everyone. Don’t let anybody stop you for reaching for your dreams, continue to reach your dreams,” wika niya.
Pahayag pa ng celebrity mom, “Roads are never easy, may mga ups and downs. But always go for your dreams. Huwag po kayong matakot, and enjoy the journey.”
Hindi rin umano nais nina Aga at Charlene na palakihin pa ang isyu tungkol sa mga bashers ni Atasha.
“Tapos na ‘yan sa akin. Finished na ‘yan. Lahat naman ng tao may haters. But the good always wins, you know,” lahad ng batikang aktor.
“Parang, mas marami pa ring mababait na tao sa mundong ito. Iilan lang yung masasama, iyun lang ang maiingay talaga,” saad niya.
“Anyway, parang… pasensya na kayo, mabait ang Diyos,” ani ng mag-asawa.
Samantala, sa kabila ng mga batikos, sinabi rin ni Atasha sa isang naunang panayam na may mga pagkakataong nasasaktan siya sa mga negatibong komento.
Gayunman, pinipili niyang ituring ang mga ito bilang bahagi ng kanyang trabaho at patuloy na magbigay ng magandang performance para sa mga manonood.
The post Aga, Charlene todo tanggol kay Atasha vs. bashers: Nagtatrabaho lang ‘yung bata! appeared first on Bandera.
