3AM muling babangon sa bagong EP na ‘alas tres, muli’

3AM muling babangon sa bagong EP na ‘alas tres, muli’

PHOTO: Courtesy of Radical Music

MATAPOS ang ilang taong pamamahinga sa pag-release ng bagong musika, handa nang muling magpakilala ang Pinoy alternative-pop project na 3AM sa pamamagitan ng bagong EP na pinamagatang “alas tres, muli.”

Nakatakdang ilabas sa November 13 ang limang-track EP na pinangungunahan ni Kei, na nagsisilbing panibagong yugto sa kanyang paglalakbay bilang isang musikero.

Bagama’t nakapaglabas na noon ng mga kanta ang 3AM, itinuturing ni Kei na ito ang kauna-unahang ganap na EP ng proyekto. 

Hindi lang basta bagong koleksyon ng mga awitin ang handog niya, kundi isang pagkakataon para magsimulang muli, bumawi, at maipakita sa mga tagapakinig kung ano talaga ang pagkakakilanlan ng 3AM.

Baka Bet Mo: 3AM may bagong ‘anghel’ matapos ang matinding pinagdaanan sa buhay

Tampok sa “alas tres, muli” ang tunog na pinaghalo ang ambient at atmospheric alternative pop, na may malalawak na musical arrangement, iba’t ibang instrumentasyon, at mga melodiya na madaling damhin.

Pero higit pa sa magandang tunog, mas bibigyang-pansin din sa EP ang mga kwentong puno ng emosyon at personal na karanasan. 

Para kay Kei, ito ang ilan sa mga pinakatapat at pinakamalalim na kantang naisulat niya, kung saan mas malaya niyang naipahayag ang kanyang damdamin bilang isang songwriter.

May kanya-kanyang kwento ang limang awitin sa EP na tila bumubuo sa iba’t ibang yugto ng isang relasyon.

Mula sa paghanga sa isang taong tila nagmula sa langit sa kantang “anghel (mula sa langit)”, hanggang sa mas personal at malapit na damdaming hatid ng “ikaw,” dadalhin naman ng “o, sino” featuring jaydee ang mga tagapakinig sa tanong na kung karapat-dapat nga ba silang mahalin.

Susundan ito ng “kapit,” na tungkol sa kagustuhang manatili sa tabi ng isang tao, habang ipinapaalala naman ng “buwan/ulan” ang pagtanggap sa minamahal, kasama ang magaganda at hindi kaaya-ayang bahagi ng pagkatao nito.

May malalim ding kahulugan ang “alas tres, muli”, na sumisimbolo sa muling pagsilang, pagbabago, at pagbibigay ng panibagong pagkakataon sa sarili.

Para kay Kei, pagkakataon ito upang balikan ang 3AM nang may mas malinaw na direksyon, mas tapat na paraan ng pagsusulat, at panibagong determinasyong ibahagi ang kanyang musika sa mas maraming tao.

Ang salitang “muli” ay hindi nangangahulugang babalik lamang sa dati. 

Sa halip, ito ay pagbabalik na may bagong kwento, mas maraming natutuhan, at mas malalim na pag-unawa sa sarili.

Sa pamamagitan ng EP na ito, hindi lang basta nagbabalik ang 3AM sa music scene dahil ipinapakilala rin nito ang mas tunay na pagkatao at musikal na identidad ng proyektong matagal nang gustong ibahagi ni Kei sa mundo.

The post 3AM muling babangon sa bagong EP na ‘alas tres, muli’ appeared first on Bandera.

Source link