Xander Ford binayaran ng P5k para laitin si Kathryn Bernardo: Nauto ako!

Xander Ford binayaran ng P5k para laitin si Kathryn Bernardo: Nauto ako!

Kathryn Bernardo at Xander Ford

NAGLABAS ng open letter ang social media personality na si Xander Ford para sa Kapamilya Box-office Queen na si Kathryn Bernardo.

Inamin ni Xander na nagpagamit siya noon sa ilang indibidwal para manira at mambasag ng ilang personalidad kapalit ng P5,000.

Sa kanyang Facebook post, nag-sorry ang content creator sa mga nagawa niyang paninira laban kay Kathryn at labis daw niyang pinagsisisihan ang kanyang kasalanan.

“TO ATE KATHRYN BERNARDO, 

“Ngayong darating na Pasko at Bagong Taon, isa sa mga pinakamalaking hiling ko ay ang magkaroon ng pagkakataong makasama ka sa isang palabas at personal na makausap ka,” ang simulang mensahe ni Xander kay Kathryn.

Pagpapatuloy niya, “May isang bagay akong gustong sabihin sa iyo—ang humingi ng tawad sa mga pagkakamaling nagawa ko noong bata pa ako. 

“Noong panahong iyon, nagamit at nauto ako ng ibang tao para manakit at magsalita ng hindi maganda laban sa kapwa, kapalit lamang ng halagang P5,000.

“Hindi ko sukat akalaing magiging ganito kabigat ang magiging epekto ng mga desisyon kong iyon sa buhay ko,” saad pa niya.

Wala raw naman siyang intensiyon na makasakit ng kapwa lalo na isang tulad ni Kathryn Bernardo.

Baka Bet Mo: Bashers kay Xander Ford: Ang kapal, siya pa ang nagdemanda?

“Marami akong pinagdaanan at marami akong pinagsisihan. Pero alam ng Diyos na wala akong tunay na intensiyong manakit o magsalita ng masama laban sa kapwa ko.

“Hindi ko hinihiling na kalimutan mo agad ang nangyari. 

“Gusto ko lamang magkaroon ng pagkakataong humingi ng tawad nang personal at maipakita ang respeto na matagal ko nang nais iparamdam sa iyo.

“Naniniwala ako na balang araw, magkakaroon din ako ng pagkakataong makausap ka—hindi man bilang kaibigan, kundi bilang isang taong tunay na gumagalang at humahanga sa kapwa niya.

“Maraming salamat, Ate Kathryn, sa saya, inspirasyon, at magagandang alaala na naibibigay mo sa napakaraming tao,” ang pahayag pa ni Xander.

Pagbabahagi pa ng online personality, “Ito ang magiging BIG PLOT TWIST ng taon ko: ang maging successful sa buhay, bumangon mula sa aking mga pagkakamali, at magkaroon ng pagkakataong humingi ng tawad sa taong lubos kong nirerespeto.

“Hindi ko na mababago ang nakaraan, pero kaya kong baguhin ang taong magiging ako sa hinaharap.

“Merry Christmas and Happy New Year, Ate Kathryn. 

“Sana dumating ang araw na mabasa mo ito.”

The post Xander Ford binayaran ng P5k para laitin si Kathryn Bernardo: Nauto ako! appeared first on Bandera.

Source link