ISINUSULONG ni Senador Loren Legarda ang pagbabago sa proseso ng pag-apruba ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) upang maiwasan ang mga pagkaantala, mapalakas ang pananagutan ng mga namamahala sa mga pasilidad, at makatulong sa pagtugon sa patuloy na pagsisikip ng mga piitan sa bansa.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2584 na kanyang inihain, layong gawing mas mabilis at maayos ang pagproseso ng GCTA nang hindi binabago ang mga umiiral na kondisyon at pamantayan ng batas.
“Addressing overcrowding requires more than building additional facilities. We must also examine how our existing laws are implemented, identify administrative bottlenecks, and ensure that our justice and correctional systems operate efficiently, fairly, and responsibly,” sey ni Legarda.
Sa kasalukuyan, pinahihintulutan ng Republic Act No. 10592 ang mga warden ng mga piitang panlalawigan, pandistrito, pambayan, at panlungsod na mag-apruba ng GCTA.
Baka Bet Mo: Legarda sa waste management: ‘Ang mga trahedya ngayon ay bangungot ng Payatas’
Gayunman, walang tahasang kapangyarihang ibinigay ang batas sa mga Superintendent ng Bureau of Corrections (BuCor), kahit sila ang direktang namamahala sa kani-kanilang pasilidad. Dahil dito, nakasentro sa Director General ng BuCor ang pag-apruba ng GCTA.
“Kung pinahihintulutan ng batas ang mga warden ng lokal na piitan na mag-apruba ng GCTA, nararapat lamang na pahintulutan din ang mga Superintendent ng BuCor na magpasya para sa kanilang mga pasilidad, basta’t may sapat na pagsusuri at pananagutan. Hindi natin binabago ang mga kondisyon ng batas; nais lamang nating gawing mas mabilis at maayos ang pagpapatupad nito,” diin ng Senador.
Sa panukalang batas, bibigyan ng kapangyarihan ang mga Superintendent ng BuCor, kabilang ang mga opisyal na itinalagang Acting Superintendent, na mag-apruba ng GCTA batay sa beripikadong mga rekord at nakasulat na rekomendasyon ng Management, Screening and Evaluation Committee ng kanilang pasilidad.
Sa ganitong paraan, hindi na kailangang idulog sa Director General ang bawat aplikasyon para sa GCTA. I
naasahang mapapabilis nito ang pagproseso habang nananatili ang pangangasiwa ng BuCor Central Office.
Upang maiwasan ang mga iregularidad, itinatakda rin ng panukala na dapat mapagpasiyahan ang mga kumpletong rekomendasyon sa loob ng 15 araw ng trabaho.
Kailangan ding tiyakin ang tamang pagkalkula ng sentensiya, regular na pagsusumite ng mga ulat, at pana-panahong pagsusuri ng mga naaprubahang GCTA.
May nakasaad ding mga parusa laban sa sinadyang paglabag sa batas, kabilang ang pamemeke ng mga rekord, katiwalian, at ilegal na pagbibigay ng mga bawas sa sentensiya.
“Streamlining the process does not mean weakening oversight. Every grant must be supported by verified records and subject to proper accountability. Efficiency and integrity must always go hand in hand,” paliwanag ni Legarda.
Binigyang-diin din ng Senador ang pangangailangang suriin ang iba pang umiiral na hakbang upang mabawasan ang pagsisikip sa mga piitan.
Kabilang dito ang pagpapatupad ng mga batas sa piyansa at recognizance, pagtiyak sa karapatang magkaroon ng mabilis na paglilitis, at agarang pagproseso ng mga bawas sa sentensiya.
Layunin ng mga hakbang na ito na matugunan ang mga kakulangan sa sistema at mga prosesong nagdudulot ng pagkaantala sa paghahatid ng hustisya.
Nilinaw naman ni Legarda na hindi dinaragdagan ng kanyang panukala ang mga bawas sa sentensiya sa ilalim ng GCTA, hindi pinalalawak ang mga kwalipikadong makinabang dito, at hindi inaalis ang iba pang legal na rekisito bago mapalaya ang isang taong nakakulong.
“An effective justice system must safeguard public safety and uphold the rule of law while respecting the rights and dignity of persons deprived of liberty. Our goal is to strengthen the institutions responsible for administering justice and ensure that existing laws are implemented with fairness, efficiency, and accountability,” pagtatapos ng Senador.
The post Legarda isinusulong reporma sa GCTA para pabilisin proseso sa mga piitan appeared first on Bandera.
