Legarda isinusulong mga reporma sa CHED para sa mas maayos na edukasyon sa kolehiyo

Legarda isinusulong mga reporma sa CHED para sa mas maayos na edukasyon sa kolehiyo

Sen. Loren Legarda

PATULOY na isinusulong ni Senador Loren Legarda ang mga reporma sa mataas na edukasyon upang mapabuti ang pamamahala sa mga kolehiyo at unibersidad, at matiyak na nakararating sa mga estudyante ang mga programa at suportang inilaan para sa kanila.

Bahagi ng pagsisikap na ito ang pakikilahok ng kanyang tanggapan sa Final Report Turnover and Strategic Policy Dialogue ng Commission on Higher Education (CHED) na ginanap noong Nobyembre 5, 2026 sa Crowne Plaza Galleria sa Ortigas.

Dumalo sa pagpupulong ang mga kinatawan ng CHED, World Bank, Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), Department of Budget and Management (DBM), Office of the Solicitor General (OSG), at mga tanggapan nina Senador Bam Aquino, Senador Joel Villanueva, at Kongresista Jude Acidre, na kapwa mga komisyoner ng EDCOM II.

Tinalakay sa pagpupulong ang mga natuklasan at rekomendasyon ng World Bank mula sa isinagawang pagsusuri sa sistema at operasyon ng CHED mula Nobyembre 2025 hanggang Hulyo 2026.

Baka Bet Mo: Legarda nais ng mas matibay na proteksyon sa mga tagapagtanggol ng lupa, kalikasan

Sinuri rito ang organisasyon ng ahensya, bilang ng mga kawani, mga tungkulin nito sa regulasyon, at kakayahang pangasiwaan ang lumalawak na sektor ng mataas na edukasyon sa bansa.

Batay sa pagsusuri, kailangang palakasin ang kakayahan ng CHED na gampanan ang mga responsibilidad nito, partikular sa pagtugon sa kakulangan ng mga kawani, pagpapabilis ng mga prosesong administratibo, paglilinaw ng mga tungkulin sa regulasyon, at mas maayos na pagsubaybay sa kalidad at resulta ng edukasyon.

Kabilang sa mga rekomendasyon ang pag-angkop ng mga regulasyon sa magkakaibang pangangailangan at kakayahan ng mga kolehiyo at unibersidad, pagpapahusay ng pangangasiwa sa mga institusyon, at pagbabawas ng mga prosesong nagpapabagal sa operasyon ng ahensya.

Isa rin sa mga pangunahing tinalakay ang pagpapatupad ng mga programa sa tulong-pinansyal para sa mga estudyante sa ilalim ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST).

Binigyang-pansin ang kakulangan sa mga kawani at mga pagkaantala sa pagproseso at paghahatid ng scholarship at subsidy na nakaaapekto sa mga benepisyaryo.

Kasama rin sa talakayan ang pagpapahusay ng pamamahala sa mga state universities and colleges (SUCs), pagpapalakas ng pananagutan ng mga institusyon, at mga posibleng pagbabago sa kapangyarihan ng CHED sa pangangasiwa ng mataas na edukasyon.

Kaugnay ng mga usaping ito, naghain si Legarda ng Senate Bill No. 1427, o ang panukalang Higher Education Development and Innovation Act of 2025, na naglalayong gawing mas makabago at mas angkop sa kasalukuyang pangangailangan ang batas na nagtatakda ng mga tungkulin at kapangyarihan ng CHED.

Layunin ng panukala na palakasin ang kakayahan ng ahensya sa regulasyon at pagpapaunlad ng mataas na edukasyon, habang nagbibigay ng mas angkop na antas ng kalayaan sa pamamahala ng mga kolehiyo at unibersidad batay sa kanilang kakayahan at kalagayan.

Isinusulong din ni Legarda ang Senate Bill No. 1414 upang mapahusay ang pamamahala sa mga SUC sa pamamagitan ng mas malinaw na paghahati ng mga responsibilidad ng CHED at ng mga namamahalang lupon ng mga institusyon, mas mataas na pamantayan sa pamumuno, at mas malawak na kalayaan sa pamamahala batay sa kanilang kakayahan at pagganap.

“Our higher education institutions must be equipped to meet the changing needs of our students and our nation. Through these measures, we seek to strengthen their capacity to deliver quality education, uphold accountability, and create greater opportunities for every Filipino learner,” diin ni Legarda.

Para kay Legarda, kailangang magbunga ang mga reporma sa CHED at sa mga institusyon ng mas maayos na serbisyo, mas mabilis na paghahatid ng tulong sa mga estudyante, at mas mataas na kalidad ng edukasyon.

Patuloy niyang sinusuportahan ang pakikipagtulungan sa CHED at iba pang institusyong pang-edukasyon upang matugunan ang mga suliranin sa pamamahala at matiyak na ang mga pagbabagong isinusulong ay may konkretong pakinabang sa mga mag-aaral at sa kinabukasan ng mataas na edukasyon sa bansa.

The post Legarda isinusulong mga reporma sa CHED para sa mas maayos na edukasyon sa kolehiyo appeared first on Bandera.

Source link