Korean cuisine sa Pinas bida sa interactive ‘Sikgaek’ exhibition ng KCC!

Korean cuisine sa Pinas bida sa interactive ‘Sikgaek’ exhibition ng KCC!

PHOTO: Courtesy of Korean Cultural Center in the Philippines

KUNG mahilig ka sa Korean food, baka ito na ang sign para mag-Korea trip ka nang hindi na kailangang sumakay ng eroplano!

May kakaibang adventure na naghihintay sa mga Pinoy dahil inilunsad ng Korean Cultural Center (KCC) in the Philippines ang interactive exhibition na “Sikgaek: The Journey of Tasting Korea,” kung saan pwedeng tuklasin ang makulay na kultura at culinary heritage ng South Korea sa pamamagitan ng pagkain.

Sa pakikipagtulungan ng National Asian Culture Center Foundation at Chonnam National University, tampok sa exhibition ang kwento ni Sungchan, ang chef at pangunahing karakter sa sikat na Korean comic o manhwa na “Sikgaek.”

Likha ito ng Korean artist na si Hur Young-man na unang inilathala noong 2002 at kalaunan ay nagkaroon ng iba’t ibang adaptations sa iba pang media.

Baka Bet Mo: KCC PH kinilalang ‘Most Outstanding KCC’, ikalawang sunod na taon na

Hindi lang basta display ng mga pagkaing Koreano ang exhibition dahil bawat palapag ng KCC building ay may kany-kanyang adventure na pwedeng tuklasin ng mga bisita.

Sa ground floor pa lang, sasalubong na ang vegetable truck ni Sungchan. 

May AI technology rin na magbibigay-daan sa visitors na gumawa ng sarili nilang Sikgaek-inspired character at maging bahagi ng kwento.

Pagkatapos gumawa ng sariling character, pwede namang dumiretso sa library kung saan matutunghayan ang archives at digital works ng author. 

May interactive wall at library rin na nagpapakita kung paano nabuo at nabigyang-buhay ang manhwa.

Habang nagpapatuloy sa pag-iikot, mababasa rin ng visitors ang ilan sa mga iconic at hindi malilimutang linya mula sa mga karakter ng comic.

Sa third floor naman, makikita ang “hansang” o tradisyonal na Korean meal na sabay-sabay inihahain sa hapag. 

Tampok dito ang mga pagkaing kumakatawan sa limang pangunahing sangkap ng Korean cuisine na binigyang-diin sa comic: rice, kimchi, seafood, fermented sauces at vegetables.

Pero kung gusto talagang sumabak sa mundo ni Sungchan, ang main exhibition ay matatagpuan sa fifth floor. 

Dito mas malalim na matutuklasan ang kwento sa likod ng limang pangunahing sangkap ng Korean cuisine sa pamamagitan ng iba’t ibang interactive activities.

At siyempre, hindi kumpleto ang Korean adventure kung walang pang-instagram photos! 

Sa huling bahagi ng exhibition, may photo zone na dinisenyo na parang tradisyonal na eskinita sa Korea kung saan pwedeng magpa-picture ang mga bisita habang ninanamnam ang atmosphere ng Korean streets.

Nagkaroon din ng kimchi workshop sa opening ceremony kamakailan, kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga bisita na personal na masaksihan at maranasan kung paano ginagawa ng mga Koreano ang kanilang sikat na side dish.

Ayon kay KCC Director Kim Myeongjin, higit pa sa pagpapakita ng masasarap na pagkaing Koreano ang layunin ng exhibition dahil nais din nitong bigyan ang mga Pinoy ng pagkakataong mas makilala ang kultura ng Korea sa pamamagitan ng kanilang culinary traditions.

“Through this exhibition, we hope to offer visitors not only an enjoyable experience but also a deeper appreciation of hansik, or Korean cuisine, and its important role in Korean culture,” sey niya.

Kaya kung sawa ka na sa usual na gala at gusto mong magkaroon ng kakaibang cultural experience, pwedeng isama sa bucket list ang “Sikgaek: The Journey of Tasting Korea.”

Bukas ito sa publiko hanggang February 27, 2027 tuwing Lunes hanggang Sabado, mula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.

The post Korean cuisine sa Pinas bida sa interactive ‘Sikgaek’ exhibition ng KCC! appeared first on Bandera.

Source link