NAKIISA na rin ang award-winning veteran actor na si John Arcilla sa mas tumitindi pang panawagan para sa pagsasabatas ng CADENA Act.
Ilang kilalang celebrities na ang tumindig para sa Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act kasunod ng mga nangyaring pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa kanyang Facebook account, nag-share si John, na mas kilala sa kanyang papel sa pelikulang “Heneral Luna”, ng isang post na nananawagan sa kapwa content creator na paingayin ang panukalang batas ni Sen. Bam Aquino.
“Calling all Content Creator na paingayin ang panukalang batas ni Bam Aquino ang ‘CADENA ACT.’
“Walang kulay ang batas na ito.Dahil lahat ng Senador pabor dito, Kahit dito manlang magkaisa tayo,” ang mababasa sa post.
Nakapasa na ang Senate Bill No. 1506 ni Sen. Bam sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado noong Disyembre 15, 2025, sa botong 17-0, nang walang tumutol o nag-abstain. Subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito umuusad sa Kamara.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagpahayag si John ng suporta sa panukala ni Sen. Bam, na kilala rin bilang Blockchain the Budget Bill.
Baka Bet Mo: John Arcilla awang-awa sa tindera ng isda; binanatan bansang korap
“Ang panukalang ito ay hindi si Senator Bam Aquino ang makikinabang kundi ang Mamamayang Pilipino. Mabuhay po kayo Senator,” ayon kay John sa isang Facebook post.
Binigyang-diin ng aktor na ang paggamit ng blockchain technology sa pagba-budget ng gobyerno ay magtitiyak ng transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng bayan.
Sa ilalim ng CADENA Act, inaatasan ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na mag-upload at regular na magpanatili ng detalyadong mga dokumentong may kaugnayan sa badyet—kabilang ang mga kontrata, halaga ng proyekto, bills of materials, at mga rekord ng procurement—sa isang Digital Budget Platform.
Layunin ng sistema na matiyak na ang lahat ng file ay pampublikong maa-access, protektado laban sa hindi awtorisadong pagbabago, nasusubaybayan, open-source, at nabe-verify.
Nauna nang nagpahayag ng suporta sa CADENA Act ang iba’t ibang mga artista, musikero at influencer sa panukala, kabilang na ang beteranong aktor na si Edu Manzano, Cinemalaya Best Actress Pokwang, radio host na si DJ JhaiHo, digital creator na si Aviona Starr, content creator na si Lexi Mercader, at vlogger na si Kimifierce.
Nag-share at nag-like naman sa post Sen. Bam na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng CADENA Act sa pagpuksa ng korapsyon at pagtataguyod ng transparency sa pamahalaan sina Rivermaya frontman at drummer Mark Escueta, theater actor Phi Palmos, dating Pinoy Big Brother (PBB) housemate Justin Dizon, comedienne at actress Inah Evans, influencer Andrea Guevarra, athlete at entrepreneur Enzo Bonoan, Moy Ortiz ng The Company, singer Cooky Chua, host Mela Habijan, at musician Aiman Borres.
The post ‘Heneral Luna’ John Arcilla muling tumindig para sa CADENA Act appeared first on Bandera.
