NAGBABALIK ang minamahal na boses ng nag-iisang Gary Valenciano sa isang Coco Martin series.
Si Mr. Pure Energy ang kumanta ng bagong theme song ng Kapamilya teleseryeng “Coco Martin’s Sigabo.”
Pagkatapos maging parte ang kanyang mga kanta sa “FPJ’s Ang Probinsyano” at “FPJ’s Batang Quiapo,” inawit naman ngayon ni Gary V ang bersyon ng makabagbag-damdaming “Kung Kailangan Mo Ako” na magbibigay ng bagong kulay sa landas na tatahakin ni Gabo (Coco) sa serye.
Sinisimbolo ng kanta ang bagong pananaw sa buhay ni Gabo dahil sa labis na pag-aalala at pag-aalaga para sa kanya ni Sam (Julia Montes), na hindi kinasanayan ni Gabo dahil noon pa ay sanay siyang humarap sa mga laban at pagsubok ng mag-isa.
Sa patuloy na pagpapanggap nina Gabo at Sam bilang mag-asawa, tuluyan na bang mauuwi sa tunay na pag-iibigan ang mga pusong nagkukunwari?
Samantala, kunwari lang ang pagiging mag-asawa nina Gabo at Sam sa “Sigabo,” pero totohanan ang kilig na hatid nina Coco at Julia sa viewers at netizens dahil sa kanilang natural na chemistry at mga eksenang punong-puno ng lambingan.
Pinakilig nila ang CocoJul fans dahil napanood nga sina Gabo at Sam na sweet na nagsayaw at nagpalitan ng matatamis na ngiti sa birthday party ni Rudy (Joey Marquez), ang ama ni Gabo.
Baka Bet Mo: Coco Martin napatawad na si Katherine Luna; ipaaayos pati ngipin
Sa kabila ng kanilang masayang pagsasama, hindi pa rin nalilimutan ni Sam ang tunay niyang pakay. Nagpapanggap siyang may amnesia upang maimbestigahan si Gabo at malaman ang koneksyon nito sa kaaway niyang pamilya ng mga Zafra.
Ngunit habang nagpapatuloy ang kanilang pagpapanggap, tila unti-unti na ring nagiging totoo ang kanilang nararamdaman. Patuloy namang umaarangkada ang kilig at good vibes na hatid ng kanilang mga eksena gabi-gabi.
“Gusto namin kahit paaano makapagbigay kami ng inspirasyon, kilig, at saya sa bawat Pilipino.
“Sa pamamagitan ng ‘Sigabo,’ sa munting oras na nakakasama natin sila gabi-gabi, sana’y napapaligaya natin sila, napapatawa, at nare-reminisce ’yung mga mag-asawa.
“At siyempre, para magkaroon din ng inspirasyon ang mga kabataan,” ani Coco sa behind-the-scenes video na inilabas ng CCM Film Productions.
Hanggang kailan maitatago nina Gabo at Sam ang kanilang mga lihim? At ang kunwariang pagmamahalan ba nila ay mauuwi sa totohanan?
Huwag palampasin ang aksyon, drama, at kilig sa “Coco Martin’s Sigabo” gabi-gabi mula Lunes hanggang Biyernes, 8 p.m. sa ALLTV2, TV5, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook, at iWant.
The post Gary Valenciano pasok na rin sa ‘Sigabo’, muling kumanta ng theme song appeared first on Bandera.
