HINDI palalampasin ng Ateneo de Davao University (AdDU) ang insidente ng pambu-bully na kinasangkutan ng ilang estudyante sa Junior High School (JHS) campus nito.
Kinumpirma ng pamunuan ng paaralan kamakailan lang ang nangyaring insidente at tiniyak na gumagawa na sila ng mga hakbang para maprotektahan ang estudyanteng nasaktan.
Ayon sa AdDU na iniulat ng ABS-CBN News, sasailalim naman sa kaukulang disciplinary measures at interventions ang mga mapapatunayang responsable sa insidente, alinsunod sa tamang proseso.
Nagsimula ang usapin matapos kumalat sa social media ang isang video kung saan makikitang sinisipa ng isang lalaking estudyante ang kapwa nito mag-aaral sa loob ng CR.
Baka Bet Mo: Rock icon Mike Hanopol nagreklamo ng online bullying, harassment sa NBI
Makikita rin sa naturang video ang pananakit umano sa biktima gamit ang mop at sinturon.
Naganap umano ang insidente matapos ang isinagawang earthquake drill ng paaralan noong November 5.
Kinumpirma rin ng Davao City Police Office (DCPO) na nangyari ang insidente sa nasabing petsa at naitala na ito sa kanilang police blotter.
Naglabas na ng pahayag ang eskwelahan at inamin ang matinding lungkot sa sakit at paghihirap na pinagdaanan ng mga estudyanteng sangkot sa insidente.
Hindi man nagbigay ng detalye tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng mga ito, tiniyak ng paaralan na nabibigyan na sila ng kaukulang suporta.
“They have been receiving guidance and counseling support since then. As we pursue accountability with due process, we must also protect all the children involved from public judgment, online harassment, and further harm,” sey ng AdDU.
Binigyang-diin din ng paaralan na hindi dapat maging dahilan ng takot at pangamba ang pagpasok sa paaralan.
“No child should feel unsafe or afraid in school. Every student entrusted to our care deserves to be protected, respected, and heard. This is why we take reports of bullying seriously and respond with care and accountability,” dagdag pa.
Ayon pa sa AdDU, iniakyat na ang kaso sa JHS Child Protection Committee na kasalukuyang tinatapos ang imbestigasyon at mga natuklasan nito.
Isasagawa ang proseso alinsunod sa Student Handbook ng paaralan, mga patakaran ng Department of Education (DepEd) tungkol sa child protection at Anti-Bullying Act.
Iniulat na rin ng paaralan ang insidente sa DepEd at nakikipag-ugnayan na sa ahensya para sa mga susunod na hakbang.
“We are also reviewing our safeguards and will further strengthen how faculty and staff recognize signs of bullying, report concerns, and act on them,” sambit ng eskwelahan.
Samantala, personal na nakipagpulong si Police Col. Peter Madria, hepe ng Davao City Police Office, sa mga opisyal ng paaralan upang pag-usapan ang mga nararapat na hakbang para mapanatili ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
Tinalakay rin sa pagpupulong ang pagpapalakas ng seguridad at koordinasyon upang matiyak ang kapakanan hindi lamang ng mga estudyante kundi pati ng mga guro at iba pang kawani ng paaralan.
Ayon naman kay DCPO spokesperson Lt. Col. Maria Teresita Gaspan, isinangguni na nila sa City Social Welfare and Development Office ang estudyanteng biktima upang sumailalim sa psychological assessment, evaluation, at kaukulang intervention.
The post Estudyante ng Ateneo de Davao binugbog, na-bully sa school CR; iniimbestigahan na appeared first on Bandera.
