NA-TRY n’yo na bang maglaro mga ka-BANDERA ng “Spirit of the Glass” para tawagan at kausapin ang isang taong namatay na?
Ang “Spirit of the Glass” ay isang larong pinaniniwalaang ginagamit para makausap ang mga espiritu o kaluluwa ng mga yumao kung saan ang pangunahing gamit ay baso at ang tinatawag na Ouija Board.
Makikita sa naturang board ang mga letra ng alpabeto, mga numero, at mga salitang “YES” at “NO”. Inilalagay ang isang baso nang pabaligtad sa gitna.
Ilang tao ang bahagyang dumidikit ng daliri sa baso at may magtatanong tungkol sa espiritu o kaluluwa. Dito, hihintayin ng mga naglalaro kung gagalaw ang baso patungo sa mga letra upang makabuo ng sagot.
Sa kulturang Pilipino, may mga paniniwala at kuwentong kababalaghan tungkol sa larong ito. Gayunman, walang siyentipikong patunay na ang paglalaro nito ay otomatikong nakakatawag ng masasamang espiritu.
Ngunit nagbabala ang kilalang paranormal expert na si Ed Caluag sa mahilig maglaro ng Spirit of the Glass, lalo na sa mga hindi ito tatapusin hanggang sa huli.
Ayon kay Caluag, marami na siyang nakausap na nagkaroon ng hindi maipaliwanag na karanasan matapos maglaro ng Spirit of the Glass.
Baka Bet Mo: Ed Caluag artistahin ang dyowa, una raw niyang nakita sa panaginip
“Yung mga thrill seeker na naglalaro ng Spirit of the Glass, marami akong cases na ganyan.
“Kunyari, may nag-consult sa akin, tapos during consultation, biglang may mag-a-appear sa akin, ‘Saan kayo naglaro ng Spirit of the Glass?’ tatanungin ko na kaagad. Sabi niya, ‘Sir, matagal na po iyon. High school pa po ako,’” pahayag ni Caluag.
Sinabihan niya ang mga taong naglaro nito na kumustahin at kausapin ang kanilang mga dating kaklase at kaibigan at tanungin kung may kakaiba ring nangyayari sa mga ito.
“Would you know? Kilala mo pa ba yung mga kaklase mong nakalaro mo? Would you mind asking them kung ano na ang nangyayari sa kanila? Kasi iha-hunt kayo nu’n kung hindi niyo binalik,” ani Ed Caluag.
Patuloy pa niya, “Akala mo biruan lang, kasi very thin line lang ang pagitan ng spirit at ng tao. Sila mismo yung nag-initiate niyan sa tao. Sila rin naman ang nagbigay ng idea na ‘yan.
“Ang problem is, ibinalik mo siya sa realm ng tao. Nasaan siya ngayon? Pagala-gala siya, kung saan mo siya dinala.
“Kasi ang intensyon niya is to communicate. Eh, paano kung hindi ninyo tinapos? Hindi ninyo siya pinabalik?” esplika ni Caluag.
“Pinakawalan mo rito sa human realm. Hindi na siya nasa loob ng baso.
“Hindi na siya nakatago roon. The moment na inalis ninyo yung mga kamay ninyo, doon na siya nakalabas. Nandiyan na siya!” ani Ed Caluag.
The post Ed Caluag nagbabala sa paglalaro ng ‘Spirit of the Glass’ appeared first on Bandera.
