MERON na namang bagong aabangan ang madlang pipol sa “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 3.0” matapos ang first eviction night nitong weekend.
Kung akala ng lahat ay sapat na ang unang tanggalan para sumiklab ang mas matindi pang tensiyon sa loob ng Bahay ni Kuya, heto’t may panibagong batch na naman ng housemates na tiyak na magdadagdag ng kulay, intriga at posibleng umaatikabong bardagulan.
Matapos magpaalam sina Kapamilya housemate Calix Esguerra at Kapuso housemate Ethan Benares, apat na bagong celebrity ang ipinakilala ni Big Brother.
Kabilang sa Team Kapuso ang Sparkle artists na sina Allen Ansay at Ronnie Pasamba, habang sina Daniela Stranner at Lorelaine Sañosa naman ang bagong pasok para sa Team Kapamilya.
Baka Bet Mo: Calix Esguerra, Ethan Benares tsugi na agad sa PBB Collab 3.0
Si Allen ay aktor na nagmula sa Camarines Sur. Panganay sa limang magkakapatid, maaga siyang natutong maging responsable at tumayong gabay at suporta sa kaniyang pamilya.
Si Ronnie naman ay tubong Bulacan at dating varsity basketball player mula elementarya hanggang kolehiyo. Competitive, palakaibigan at masayahin ang paglalarawan niya sa kaniyang sarili.
Samantala, si Lorelaine ay mula sa Quezon City. Isa siyang dancer at ina na maagang nagtrabaho upang makatulong sa pamilya. Bitbit niya sa Bahay ni Kuya ang positibong enerhiya na nais niyang maibahagi sa kaniyang mga kasama.
Ngunit mas na-excite ang manonood sa pagpasok ni Daniela sa Bahay ni Kuya. Mula Pampanga, nakilala si Daniela sa kaniyang mga pagganap bilang kontrabida sa ilang teleserye.
Ngayon, nais niyang ipakita sa publiko ang tunay niyang personalidad sa labas ng mga karakter na kaniyang ginagampanan sa telebisyon.
At habang nagkakaroon ng panibagong adjustment sa loob ng bahay, anim na housemates naman ang kasalukuyang nanganganib na ma-evict matapos ang ikalawang nomination night.
Mula Team Kapuso, nominado sina Raheel Bhyria, Nicole Fortuna at Bela Arcal, habang sina Primo Alterado, Nathan Garcia at Cianne Dominguez naman ang mga nakakuha ng nominasyon mula sa Team Kapamilya.
Going back kay Daniela, hindi pa man nakakapag-adjust ang aktres sa mga housemates ay abangers na ang madlang pipol sa mga magiging eksena ng dalaga.
Sa mga hindi pa masyadong aware, si Daniela Stranner ay mula sa Star Magic na nagsimulang umarte sa 2020 TV series na “Make It With You” nina Liza Soberano at Enrique Gil.
Nasangkot sa kontrobersiya si Daniela noong 2022 matapos kumalat sa social media ang mga screenshot ng umano’y pribadong pag-uusap niya sa isang chat group kasama ang kaniyang mga tagahanga.
Sa mga kumalat na screenshot, lumitaw umano ang mga negatibong komento niya tungkol sa ilang kapwa young artists, kabilang sina Kaori Oinuma, Anthony Jennings, Karina Bautista, Jeremiah Lisbo, Donny Pangilinan at Belle Mariano.
Dahil dito, umani siya ng batikos mula sa netizens at nag-trending pa sa X ang hashtag na #CANCELDanielaStranner.
Napanood din siya sa “Senior High” (2023–2024) at “High Street” (2024), kung saan nakilala siya bilang mahusay na kontrabida.
At ngayong 2026, umingay muli ang name niya sa teleseryeng “Someone Someday’ nina Kathryn Bernardo, James Reid at Maja Salvador.
Marami na ang excited na makita kung paano makikisama at makikipagpuksaan ang aktres sa loob ng PBB house, lalo na sa mga female housemates.
May mga netizen pang nagbabanggit kina Shea Valerio at Cianne Dominguez bilang posibleng makabangga ni Daniela dahil sa prangka at palaban nitong personalidad.
Ngayon, ibang klaseng challenge naman ang haharapin ni Daniela. Hindi script o karakter ang kanyang kailangang paghandaan kundi ang pakikisama sa iba’t ibang personalidad sa loob ng Bahay ni Kuya.
The post Daniela Stranner handa na sa ‘puksaan’ sa PBB; 3 iba pa pasok! appeared first on Bandera.
