Castro kay Bato: Sumuko ka na para wala nang dugong dadanak

Castro kay Bato: Sumuko ka na para wala nang dugong dadanak

Claire Castro at Bato dela Rosa

HINAMON ng Malacañang si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na sumuko na sa mga otoridad upang hindi na dumanak ang dugo.

Ito’y matapos kumpirmahin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na ang puganteng senador ay kasalukuyang nagtatago sa Mindanao at pinoprotektahan umano ng isang grupo.

Iniulat na pinag-aaralan ng mga otoridad ang pakikipagnegosasyon kay Sen. Bato upang kusang sumuko para hindi na ito mauwi sa mapanganib at marahas na insidente.

“Sumuko ka na. Sumuko ka na kasi para wala nang dugong dadanak,” ang hamon ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace press officer Claire Castro sa isang press briefing.

Babala pa niya sa nagpoprotekta sa senador, “Doon sa mga nagkakanlong, alam po natin na dapat natin pairalin ang batas. 

Baka Bet Mo: Robin Padilla: Pakiramdam niya ‘lord’ siya, galit kami sa diyos-diyosan!

“So huwag kayong magsilbi na kasangkapan ng mga taong dapat nadidinig din o mga taong dapat napapanagot sa batas,” sabi ni Castro.

Dugtong pa niya, “Huwag po kayong magsilbing tulay para makaalpas ang mga masasabi nating taong may dapat na kaharapin sa mga taong kanilang diumanong nabiktima.”

Nagsimulang magtago sa batas si Dela Rosa mula nang maglabas ng arrest warrant laban sa kanya ang International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kanyang papel bilang pangunahing tagapagpatupad ng kampanya ng dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ilegal na droga.

The post Castro kay Bato: Sumuko ka na para wala nang dugong dadanak appeared first on Bandera.

Source link