BINENGGA ng veteran host at entertainment columnist na si Cristy Fermin si Claudine Barretto kaugnay ng kasong isinampa nito laban sa kanya.
Personal na nagtungo si Tita Cristy sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI), kamakalawa, November 9, dahil sa reklamong cyber libel case ni Claudine.
Kasama niya ang kanyang co-host sa programang “Showbiz Now Na” na si Romel Chika at ang kanilang legal counsel sa pagpunta nila sa NBI.
Pero walang isinumiteng counter-affidavit sina Tita Cristy at Romel sa demanda ni Claudine na isinampa rin niya sa NBI noong nakaraang buwan.
Ayon sa premyado at beteranang host, ang pagtungo nila sa opisina ng NBI ay pagpapakita lamang ng respeto nila sa ahensya.
Batay sa report ng “Frontline Pilipinas,” magsa-submit lamang sila ng counter-affidavit kapag isinampa na sa prosecutor’s office ang nabanggit na reklamo.
“Depende na lang sa piskalya kung makakakita sila ng merito, para bigyan ng pagpapahalaga yung kaniyang reklamo,” paliwanag ni Tita Cristy.
Aniya pa, tuluy-uloy pa rin ang mga programa nila ni Romel Chika sa telebisyon pati na sa kanilang YouTube channel.
Baka Bet Mo: Claudine Barretto nagbabalak nang manirahan sa Samal Island?
“Hindi naman sapat si Claudine Barretto para patigilin kami sa pagtatrabaho,” ang matapang na sabi pa ng beteranang showbiz columnist.
Nag-react din si Tita Cristy sa naging pahayag ni Claudine kung saan ikinumpara nito ang kanyang reklamo sa pagsasampa rin ng cyber libel sa kanya nina Bea Alonzo at Megastar Sharon Cuneta.
“Napakalaki ng pangalan ni Sharon Cuneta, wag nating ikumpara sa kanya,” ani Tita Cristy.
At para naman sa mensahe ni Claudine sa kanila na “Happy Halloween”, sabi ng veteran host, “Positive kami. Merry Christmas.”
The post Bwelta ni Cristy Fermin, wag ikumpara si Claudine kay Sharon Cuneta appeared first on Bandera.
