MULING nagsalita ang dating aktor at singer na si Jeremiah Rosales tungkol sa relasyon nila ngayon ng kanyang utol na si Jericho Rosales.
Nilinaw ni Jeremiah ang pagkakadawit ng pangalan ng nakatatandang kapatid sa isyu ng umano’y pagpapabaya at hindi pagtulong sa kanya.
Naging usap-usapan noon ang naging pahayag ni Jeremiah sa interview ng broadcast journalist na si Julius Babao (na hindi na makikita ngayon sa YouTube), kung saan ikinuwento niya ang kanyang naging buhay nang magtago sa Bicol ng isang buwan.
Ayon kay Jeremiah, namasukan siya noon bilang construction worker ngunit kalaunan ay nagbalik din sa kanilang pamilya dahil sa hirap ng buhay.
Sa latest episode ng “Ogie Diaz Inspires”, nilinaw ni Jeremiah na hindi dapat sisihin si Jericho sa kanyang naging buhay.
“Hindi naman niya ako pananagutan na, e. Kumbaga, choice ko na ’yon, e.
“Siyempre, yung mga tao lang iisipin nila bakit ganu’n? Mayaman si Kuya (Jericho) ba’t ako pinabayaan ng ganu’n, ’di ba?” saad ni Jeremiah.
Ang punto pa niya, hindi na rin naman siya bata para umasa na lang sa tulong ng kanyang kapatid at very thankful siya lahat ng naitulong sa kanya ni Jericho.
“E, hindi naman na ako paslit, ’di ba? Kumbaga, sa sobrang dami na niyang naitulong sa akin, siguro napagod na rin ’yong tao kakatulong,” sabi ni Jeremiah.
Naiintindihan naman daw niya ang kanyang kuya at never niya itong sinisi sa mga pinagdaanan niya.
Baka Bet Mo: Jericho Rosales naging nega dahil sa mga rebelasyon ng utol na si Jeremiah
“Kahit galit sa akin si Kuya, hindi malaki ’yong tampo ko sa kaniya. Naging magulo akong tao, e,” lahad pa niya.
Kung matatandaan, nakatakda sanang ipasok si Jeremiah sa isang rehabilitation facility noong June, 2026 dahil sa sinasabing paglala ng kanyang kondisyon.
Gayunman, naiulat na nakatakas siya bago pa man tuluyang maipasok sa naturang pasilidad.
The post Jeremiah Rosales kay Jericho: Napagod na rin ‘yung tao kakatulong appeared first on Bandera.
