MODUS ALERT: Sindikato, scammer abangers na sa holiday rush!

MODUS ALERT: Sindikato, scammer abangers na sa holiday rush!

File photo

IN FAIRNESS, ngayon pa lang ay damang-dama na ang holiday season, lalo na kapag rumampa ka sa mga mall at iba pang pasyalan at gimikan.

Pero mga ka-BANDERA, nais lang naming ipaalala na ngayong panahon ng Kapaskuhan, ay sandamakmak din ang mga gumagawa ng kabulastugan para makapanloko at makapanglamang sa kapwa.

Kaya naman naglista kami ng ilang modus at scam na dapat n’yong malaman para mapaghandaan at maiwasan para happy at stress-free talaga ang inyong holiday. 

Ang palaging paalala ng Philippine National Police pati na ng Department of Interior and Local Government, dapat lagi tayong alerto laban sa theft, robbery, scam at iba pang krimen ngayong mas maraming tao ang nasa shopping malls, mga terminal at iba pang matao at pampublikong lugar. 

SALISI GANG

Ito ang grupo ng mga magnanakaw na gumagamit ng panlilinlang at panggagambala upang makuha ang gamit o mahahalagang bagay ng kanilang biktima nang hindi agad namamalayan.

Maayos manamit at mukhang disente ang mga sangkot sa Salisi Gang, pero kapag naging distracted ang biktima, mabilis nilang kinukuha ang cellphone, wallet at iba pang gamit.

TIP: Panatilihing nakasara at nakaharap sa katawan ang bag. Huwag iwan ang cellphone o wallet sa ibabaw ng mesa, lalo na sa mga kainan.

Maging alerto sa mga stranger na biglang lumalapit o labis na nanggagambala. Kapag may kahina-hinalang kilos, lumipat sa ligtas na lugar at humingi ng tulong sa security personnel.

IPIT GANG

Sila ang mga magnanakaw na gumagamit ng siksikan, pagharang o pag-ipit sa kanilang target upang makapagnakaw ng cellphone, wallet, pera at iba pang mahahalagang gamit nang hindi agad namamalayan ng biktima.

Sa jeep, tren, bus o kahit sa mataong mall, puwedeng mangyari ang ganitong modus. May biglang babangga, may makikipagsiksikan, at may ibang kamay na palihim na kumikilos para makuha ang target nila sa biktima.

TIP: Ilagay ang cellphone at wallet sa bulsang mahirap maabot ng ibang tao. Yakapin o hawakan nang mahigpit ang bag kapag nasa siksikan.

Maging alerto kapag may biglang pumalibot, dumikit o humarang sa iyong daraanan.

Kung may kahina-hinalang kilos, lumayo kung ligtas itong gawin at humingi ng tulong sa security personnel. Kapag may nawawalang gamit, agad na ireport sa mga awtoridad.

IPIT TAXI GANG

Mga ka-BANDERA huwag basta-basta sumakay sa “mystery ride”!

Sa modus na ito, maaaring dalhin ang biktima sa hindi mataong lugar bago pasukin ng mga kasabwat ng driver. Mas okay nang certified safe ang ride kesa maging bida sa isang crime story.

TIP: Tingnan ang plaka, pangalan ng kompanya, at pagkakakilanlan ng driver. Kung may kahina-hinalang tao o sasakyan sa paligid, huwag munang sumakay.

Ibahagi ang biyahe sa pinagkakatiwalaang tao. Ipadala ang plaka, detalye ng taxi, at live location sa kapamilya o kaibigan. Sabihin din ang iyong destinasyon.

Kung may sasakyang paulit-ulit na sumusunod o may taong pilit na lumalapit sa taxi, ipaalam agad sa driver at magpatungo sa matao at ligtas na lugar. At kung ligtas gawin, tumawag sa 911 at humingi ng tulong sa mga awtoridad.

ESTRIBO GANG 

Ang grupong ito ay ang mga magnanakaw at holdaper na umaaligid sa mga pribado o pampublikong sasakyan para nakawin ang gamit ng mga pasahero. 

Guys, kung may nagdeklara ng holdap sa jeep o bus, huwag nang magpaka-action star at makipagbakbakan. Mas mahalaga ang buhay kesa cellphone, wallet o alahas. Huwag ding tangkaing tumalon mula sa umaandar na sasakyan.

TIP: Isara at i-lock ang mga pinto ng sasakyan habang nasa trapiko. Huwag ding ilagay sa tabi ng bintana ang cellphone, bag, o alahas na madaling hablutin.

Kung may tangkang pagnanakaw, pumunta sa ligtas at mataong lugar at tumawag sa 911 kung kinakailangan.

BUKAS-KOTSE GANG

Sila naman ang sindikato ng mga nagnanakaw ng mga mahahalagang gamit mula sa loob ng nakaparadang sasakyan.

TIP: Bago bumaba, siguraduhing naka-lock ang sasakyan. Huwag gawing display window ang loob ng kotse para sa mga kawatan!

Itago ang bag, laptop at iba pang mahahalagang bagay o mas mabuting huwag nang mag-iwan ng importante at mamahaling gamit sa loob ng kotse.

Pumili ng ligtas na paradahan.

Mas piliin ang maliwanag na lugar na may guwardiya at CCTV. Maging mapagmatyag at kung may kahina-hinalang taong paikot-ikot sa mga sasakyan, ipagbigay-alam ito sa security personnel.

DURA BOYS

Kung may biglang dumura o may kakaibang nangyari sa damit mo, huwag na huwag mataranta o mag-panic agad dahil baka distraction lang iyan para mabiktima ka ng mga Dura Boys.

Sila ang mga kawatan na nandudura bilang panggulo o pang-abala sa kanilang target. 

TIP: Huwag basta sumama sa hindi kilalang taong nag-aalok na tumulong maglinis ng iyong damit o gamit na kuwari’y naduraan o nadumihan.

Hawakan nang mahigpit ang bag at cellphone habang inaasikaso ang sarili. Lumipat sa matao at ligtas na lugar kung may kahina-hinalang lumalapit o sumusunod sa iyo.

Humingi ng tulong sa guwardiya o pulisya kung may pagtatangkang pagnanakaw.

PITAS GANG

Sa jeep at tricycle, maaaring targetin ng mga snatcher na mahilig “mamitas” ang mga pasaherong malapit sa bintana. Karaniwang tinatarget nila ang mga taong abala, hindi alerto, o may dalang gamit na madaling makuha.

TIP: Kung holiday shopping ang ganap, bawas-bawasan muna ang pagpapakitang-gilas sa mamahaling accessories at mga branded na gamit.

Huwag ding mag-cellphone sa gilid ng kalsada. Kung kailangang tumawag o magbasa ng mensahe, pumunta sa ligtas na lugar na malayo sa dumaraang sasakyan.

Ilagay sa ligtas na puwesto ang bag. Panatilihin itong nakasara at nakaharap sa iyong katawan, lalo na sa mataong lugar.

The post MODUS ALERT: Sindikato, scammer abangers na sa holiday rush! appeared first on Bandera.

Source link