INILATAG ni Sen. Loren Legarda ang isang 10-point action plan na naglalaman ng mga kongkretong hakbang upang mapaghandaan at mabawasan ang matinding epekto ng inaasahang malakas hanggang napakalakas na El Niño sa bansa.
Nakatuon ang plano sa agarang pagkilos ng pamahalaan at mga lokal na komunidad upang matiyak ang sapat na suplay ng tubig at pagkain, maprotektahan ang kabuhayan at kalusugan ng mamamayan, at mabawasan ang panganib na dulot ng matinding init at tagtuyot, lalo na sa mga sektor na higit na maaapektuhan.
Kasunod ito ng panawagan ni Legarda noong Setyembre 2026 para sa maagap at nakabatay sa siyensyang paghahanda laban sa El Niño.
Inihain din niya ang Senate Resolution No. 733 upang masuri ang kahandaan ng pamahalaan, ang mga umiiral na programa, at ang pondong nakalaan para sa inaasahang krisis.
Baka Bet Mo: Legarda: ‘Tapat na Paglilingkod’ kailangan sa P2.75-T pagkalugi dahil sa korapsyon
“Ang nais natin ay malinaw na plano at aksyon kaya ko ihinain ang Senate Resolution 733. Nais nating malaman kung ano ang mga lugar at sektor na pinakamapanganib, kung ano ang mga prayoridad na hakbang, at kung sapat ba ang pondo upang maiwasan ang malawakang pagkalugi at gutom bago pa man tumindi ang krisis,” sey ni Legarda.
Bilang matagal nang nagsusulong ng mga hakbang sa pag-angkop sa pagbabago ng klima at pagbawas ng panganib sa sakuna, binigyang-diin ng Senadora na kailangang sabayan ng aktuwal na paghahanda ang pagsusuri sa mga plano at pondo ng pamahalaan.
“Bagaman naihain na ang resolusyon, kailangan na natin kumilos ngayon. Hindi tayo pwedeng maghintay na lumala ang sitwasyon tapos doon palang kikilos. Dapat matuto na tayo sa mga nagdaang El Niño,” pagbibigay-diin niya.
Binuo ang sampung hakbang batay sa mga rekomendasyon at karanasan ng mga pandaigdigang organisasyon at lokal na grupo na direktang nakikipag-ugnayan sa mga komunidad na lantad sa epekto ng tagtuyot at matinding init.
1. Maglagay agad ng mga imbakan ng tubig-ulan sa mga paaralan
Dapat agad na mamahagi at magkabit ang Department of Education (DepEd) at mga lokal na pamahalaan, katuwang ang iba pang ahensya, ng mga imbakan ng tubig-ulan na may sistemang sumasalo sa tubig mula sa alulod ng mga pampublikong paaralan.
Sa ganitong paraan, maiipon ang tubig mula sa mga unang pag-ulan kahit hindi regular ang pagpatak nito, bago pa man maapektuhan ng tagtuyot ang suplay ng tubig sa mga komunidad.
Magagamit ito upang mapanatili ang kalinisan at sanitasyon sa mga paaralan at maiwasan ang pagsususpinde ng klase dahil sa kakulangan ng tubig.
2. Gawing mas abot-kaya ang tubig para sa mga pamilyang Pilipino
Batay sa mga estratehiyang inilatag ng Asian Development Bank (ADB), maaaring magpatupad ang mga lokal na water district ng emergency penalty rates o karagdagang singil sa malalaking komersyal na gumagamit ng tubig para sa mga gawaing hindi naman pangunahing pangangailangan.
Kabilang dito ang pagdidilig ng mga golf course, paggamit ng tubig sa mga komersyal na swimming pool, at malakihang paghuhugas sa mga industriya.
Ang malilikom na pondo ay gagamitin upang mabawasan ang bayarin sa tubig ng mga pamilyang mababa ang kita sa mga lungsod.
Layunin din nitong mahikayat ang pagtitipid sa tubig at mapanatili ang sapat na reserba para sa mga pangunahing pangangailangan ng mga tahanan habang tumatagal ang tagtuyot.
3. Protektahan ang mga manggagawa laban sa matinding init
Kasunod ng panawagan ng grupo ng mga mangingisdang PAMALAKAYA, hinihikayat ang mga employer na ilipat sa mas malamig na oras ang mabibigat na trabahong ginagawa sa labas kapag lumampas sa 42°C ang heat index.
Kung hindi maaaring baguhin ang oras ng trabaho, dapat magbigay ng mandatoryong Climate Hazard Pay o karagdagang bayad para sa mga manggagawang nalalantad sa mapanganib na init.
Layunin nitong maiwasan ang heatstroke at iba pang sakit, pinsala, o pagkamatay na may kaugnayan sa matinding init sa lugar ng trabaho.
“Buhay at kalusugan ng ating mga manggagawa, magsasaka, at construction workers ang nakataya sa matinding init. Hindi sapat ang magbigay ng payo; kailangan natin ng konkretong proteksyon sa lugar ng trabaho,” ani Legarda.
4. Suportahan ang mga katutubong nangangalaga sa kagubatan
Batay sa programa ng Department of Agriculture na Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (DA-4K), iminungkahi ang pagpapatupad ng isang pormal na Payment for Ecosystem Services (PES) system.
Sa ilalim nito, direktang mabibigyan ng kabayaran ang mga katutubong pamayanan kapalit ng kanilang pangangalaga sa mga kagubatan sa matataas na lugar at pinagmumulan ng tubig.
Mahalaga ang mga kagubatang ito sa pagpapanatili ng natural na daloy at suplay ng tubig patungo sa mga dam at reservoir na nagsisilbi sa mga komunidad sa kapatagan, lalo na sa panahon ng tagtuyot.
5. Tiyaking ligtas sa matinding init ang mga mangingisda
Bilang tugon sa panawagan ng PAMALAKAYA, iminungkahi ang pagbibigay ng subsidiya at mga espesyal na first aid kit para sa mga sakit at pinsalang dulot ng matinding init habang nasa dagat.
Dapat maging bahagi rin ng mga kinakailangan sa pagkuha ng lisensya para sa bangka ang pagkakaroon ng ganitong kagamitan.
Layon nitong maprotektahan ang mga mangingisdang napipilitang lumayo sa dalampasigan upang maghanap ng isda at mas matagal na nalalantad sa matinding sikat ng araw.
Maaari kasi silang makaranas ng heatstroke at iba pang karamdaman habang nangingisda sa panahon ng El Niño.
6. Magbukas ng mga pampublikong lugar na maaaring silungan laban sa init
Hinihikayat ang mga lokal na pamahalaan na makipagtulungan sa mga mall at ayusin ang mga pampublikong pasilidad, gaya ng mga barangay hall, upang magsilbing cooling centers o pansamantalang pahingahan laban sa matinding init.
Maaaring maglaan sa mga lugar na ito ng lilim, air-conditioned na espasyo, malinis na inuming tubig, at mga pahingahan.
Mahalaga ito lalo na para sa mga mamamayang mas nanganganib na magkasakit dahil sa mataas na heat index.
7. Gawing mas malamig ang mga bahay at gusali
Iminungkahi rin ang mabilisang pamamahagi ng subsidized na puting elastomeric paint* isang uri ng pinturang nakatutulong sa pagtaboy ng init, para sa mga bubong na yero ng mga tahanan sa mga komunidad na mababa ang kita.
Sa pamamagitan nito, maaaring mabawasan ang init na nasisipsip ng bubong at bumaba ang temperatura sa loob ng bahay.
Isa itong praktikal na paraan upang gawing mas komportable at ligtas ang mga tahanan kahit sa panahon ng matinding init.
8. Magtanim ng mga punong katutubo at pananim na matibay sa tagtuyot sa malalayong komunidad
Maaaring unahin ng pamahalaan ang pagtatayo ng mga hardin ng komunidad sa mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDA), kung saan itatanim ang mga katutubong punong kayang tiisin ang tagtuyot at mga halamang-ugat na maaaring pagkunan ng pagkain.
9. Protektahan ang ani at kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpapalit ng pananim
Batay sa mga rekomendasyon ng DA-4K, dapat bigyan ang mga magsasaka ng Conditional Cash Transfers (CCT) o tulong pinansiyal at tuloy-tuloy na paggabay upang mahikayat silang magtanim ng mga pananim na kayang mabuhay kahit kulang ang tubig.
Sa tulong na ito, mababawasan ang panganib na mawalan ng puhunan at kita ang mga magsasaka, habang napapanatili ang suplay ng pagkain sa panahon ng matinding tagtuyot.
10. Magbigay ng mabilis na tulong pinansiyal sa mga apektadong sektor
Isinusulong ng plano ang parametric climate insurance o seguro laban sa matinding epekto ng klima. Sa sistemang ito, awtomatikong makatatanggap ng bayad ang mga magsasaka at maliliit na negosyo kapag naitala ng mga estasyon ng panahon ang itinakdang matitinding kondisyon, gaya ng 30 araw na walang ulan.
Maaari ring maglaan ang People’s Survival Fund (PSF) ng pondo upang matulungan ang mga lokal na pamahalaan (LGUs) na sagutin ang hulog sa seguro ng mga pamilyang mababa ang kita at mga sektor na lubhang apektado.
Sa ganitong paraan, mas mabilis na makatatanggap ng tulong ang mga apektado nang hindi na kailangang maghintay sa mahabang proseso ng pagsusuri sa pinsala.
Makakatulong ito upang maipagpatuloy nila ang kanilang kabuhayan sa kabila ng epekto ng El Niño.
The post Legarda ibinandera 10 konkretong hakbang laban sa Super El Niño appeared first on Bandera.
