“HINDI po ito bayad!” ang mariing sabi ng “Showbiz Update” host na si Ogie Diaz sa latest post niya tungkol sa viral issue kay Alden Richards.
Ito’y may kaugnayan sa rebelasyon ni Christian “Xian” Gaza sa kanyang Facebook account kahapon, Oktubre 24.
Ayon kay Gaza, may nakausap siyang kaibigan ng mag-asawang owner ng condo unit na tinirhan ni Alden simula noong pandemya at hindi raw ito umaalis at hindi rin nagbabayad ng bills at association dues.
Bukod dito ay hindi rin umano isinauli ni Alden ang mga mamahaling relong hiniram nito sa mag-asawa.
Maraming komento kaming nabasa kung talagang hindi nagbabayad si Alden ng dues at bills ng condo unit na tinirhan niya ay dapat maglabas ng resibo ang mag-asawa na may payable sa nasabing unit at kung binayaran naman ng mga may-ari ay ilabas din nila ang resibong bayad na ito.
Anyway, naglabas ng saloobin si Ogie sa kanyang Facebook account kagabi bilang pagtatanggol sa Kapuso actor.
Aniya, “Nagtataka lang ako. Bakit kailangang pabanatan si Alden Richards dahil hindi nila mabawi sa aktor ang condo at mga relo?
“Kung totoo lahat ang paratang, bakit di kayang bawiin? Dahil du’n pa din ba nakatira si Alden hanggang ngayon?
“May CCTV naman ‘yung may-ari ng condo, na-check ba niya kung anong year huling tumuntong doon si Alden?
“Kanya ang condo, siya ang may-ari. Di pala nagsosoli ng mga relo, eh bakit hindi mo idemanda?
Baka Bet Mo: Ogie Diaz tinupad ang pangako na P1-M regalo sa 25-anyos na anak
“So para mabawi mo ‘yung condo, kailangan mong pabanatan sa ibang tao si Alden na itinuring kang pamilya?
“Ba’t di itanong ng may-ari ng condo sa sarili niya kumbakit naputol o pinutol ni Alden ang pagturing sa kanila bilang kapamilya?
“Si Alden ang tipong marunong tumanaw ng utang na loob at di nang-iiwan sa mga taong nakasama niya nu’ng simula ng kanyang career. Marami pang natutulungan, na sa ibang tao mo na lang nalalaman,” litanya ni Ogie sa kanyang post.
Punto pa ng host, “Andaming negosyo ni Alden; ilan ang bahay, ilan ang condo so ba’t naman niya aangkinin ang condo na di naman kanya at ayaw pa niyang umalis doon talaga, huh! Hahahaha!
“Kaya pansinin nyo, pinu-push na nila ang paninira kay Alden, dahil ang mga netizen ay dudang-duda din sa motibo ng paninira.
“Anyway, baka yung iba, nakataas ang kilay kumbakit ko idinedepensa si Alden ha? Walang kalaban-laban, hindi lang kumikibo, pero pinanggigigilan.
“Hindi po ito bayad.”
Samantala, may kuwento naman ang aming source na two years ago pa pala wala si Alden sa condo unit kaya nagtataka ang kampo niya kung bakit sinabing hindi siya nagbabayad ng bills at association dues.
At dahil maraming hindi naniniwala sa kuwento ni Gaza ay may bago na naman siyang post kagabi sa FB account niya na tinanong na raw nito ang mag-asawa.
“Nag-reach out na ko kanina doon sa mag-asawa para i-clarify kung ‘yung nasagap ko mula sa kaibigan nila ay talagang lehitimo. Ayaw daw nilang magkomento kasi ayaw nila ng gulo. Ayaw nilang maperwisyo. Gusto lang nila ay tahimik na buhay. Sabi ko paisa lang po Madam, isa lang please, isa lang.
“Totoo po ba na for 8 years ay nakatira si Alden Richards sa condo ninyo for free, without paying anything? Paki-deny po kung fake news lamang ito. Pakibaba po ang call kung totoo. Binaba niya ang tawag sabay message ng ‘Yes’.
“After that ay tinawagan ko yung isang tropa na nakatira sa Shangri-La. ‘Yung mga nasagap ko sa kanya ay in-explain ko sa isang video na makikita ninyo sa top comment.”
Sa madaling salita ay hindi pala first hand niyang nakausap ang mag-asawa tungkol kay Alden at kahapon lang siya nagtanong.
Going back to Ogie, ang hamon niya sa mag-asawang owner ng condo unit ay kung totoo lahat ang sinasabi nila kay Alden ay bakit hindi nila idemanda.
The post Ogie Diaz ipinagtanggol si Alden kay Xian Gaza: Hindi ito bayad! appeared first on Bandera.
