WALANG magiging representative ang anim na bansa mula sa Southeast Asia sa gaganaping 75th Miss Universe pageant.
Mangyayari ang grand coronation ng inaabangang international pageant sa San Juan, Puerto Rico, sa darating na November 24, 2026.
Kinumpirma ng Miss Grand International (MGI) sa pamamagitan ng isang official statement sa social media ang naturang desisyon.
Ito’y kasunod ng patuloy na isyu at hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng Miss Universe Organization (MUO) at ng Miss Universe Eastern (MU East), na pinamumunuan ng Thai pageant executive na si Nawat Itsaragrisil.
Baka Bet Mo: Bea Millan-Windorski itinanghal na Miss Universe Philippines 2026
Ang anim na bansang hindi magpapadala ng kanilang kandidata sa 75th edition ng Miss Universe ay ang Thailand, Vietnam, Indonesia, Malaysia, Singapore, at Laos.
Ang paliwanag ng MGI hinggil sa kanilang desisyon, wala raw kasing katiyakan kung mabibigyan ng pantay, makatarungan at ligtas na pagtrato ang mga kandidata ng mga nasabing bansa sa international competition.
Pero paglilinaw ng MGI, ang kanilang desisyon ay hindi nangangahulugang kusang umatras ang mga kandidata sa pageant o tuluyang isinuko ang kanilang mga karapatan batay sa mga umiiral na franchise agreements.
Ang nais lamang daw nila ay ang patuloy na maprotektahan ang dignidad, mga karapatan at kapakanan ng mga kandidata.
Ang mga beauty queen na hindi na lalaban sa Miss Universe 2026 ay sina Tharina Botes ng Thailand, Nguyen Quynh Anh ng Vietnam, Eunice Wong ng Malaysia, at Vion Erico Tan ng Singapore.
Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang ina-announce na kandidata mula sa Indonesia at Laos.
Matatandaang nag-ugat ang kontrobersya noong September 18, nang maglabas ng pahayag ang JKN Universe LLC, na siyang nasa likod ng Miss Universe brand, na hindi nito kinikilala ang franchise agreements para sa anim na Southeast Asian country.
Wala umanong sapat na authority ang Miss Universe Eastern Pte. Ltd. na magbigay o maglipat ng licensing rights para sa Miss Universe brand.
Kasunod nito, inanunsyo ng JKN Universe na hindi eligible ang mga kandidata mula sa anim na bansa na lumaban sa Miss Universe 2026.
Pero hindi ito tinanggap ni Nawat, CEO ng Miss Universe Eastern, na nagsabing may bisa ang kanilang franchise agreements at may karapatan silang magpadala ng mga kandidata sa international pageant.
Ang magiging bet naman ng Pilipinas this year ay si Miss Universe Philippines 2026Bea Millan-Windorski ng La Union.
The post 6 Southeast Asian countries hindi na lalaban sa 75th Miss Universe appeared first on Bandera.
