Matet de Leon sa pagtatanggol sa kaniyang mga kapatid: ‘I will not stop’

Mariing pinabulaanan ni Matet de Leon na may nangyayaring alitan sa kanilang magkakapatid, sa gitna ng mga ingay kamakailan na pinag-usapan pa sa social media. “Actually hindi nga siya, alitan…

Matet de Leon sa pagtatanggol sa kaniyang mga kapatid: ‘I will not stop’

Mariing pinabulaanan ni Matet de Leon na may nangyayaring alitan sa kanilang magkakapatid, sa gitna ng mga ingay kamakailan na pinag-usapan pa sa social media.

“Actually hindi nga siya, alitan ba ‘yon? Parang misunderstanding. Medyo hindi lang nagkakaintindihan nang slight,” sabi ni Matet sa kaniyang guesting sa “i-Listen with Kara David.”

Ayon kay Matet, hindi nananaig ang “hierarchy” o pataasan sa kanilang magkakapatid.

“Pare-parehas ang trato sa amin ni mommy eh. Pare-parehas lang kami. Magkakapatid.”

Muling nagsalita si Matet matapos muling buhayin ng ilan ang usapin kung sino ang totoong anak at hindi totoong anak ni Nora Aunor.

“Alam niyo, Ms. Kara, tao lang ho ang gumagawa niyan. Tao lang ang nag-speculate. Tao lang ang nagkukulit. Actually kaya din ako nagagalit dahil napaka pakialamero,” sabi niya.

Ang totoo, si Matet pa raw ang nagtatanggol sa kanila.

“Ang sabi nila si Matet, putak nang putak kung ano-ano sinasabi. Sa limang magkakapatid, siya lang ang maingay, ako ang tagapagtanggol ng mga kapatid ko,” giit niya.

“Ang ate ko, napakasosyal. Statement in English. ‘Ate, paano maiintindihan ‘yan? Naka-English ka na naman.’ So ako, magtatanggol sa kanila.”

Dagdag pa niya, handa siyang saluhin ang mga pambabatikos at puna ng mga tao, alang-alang sa mga kapatid.

“Ako papatol, akin ang kahihiyan, akin ang away, sa akin na. Pero mga kapatid ko, ipagtatanggol ko ‘yan,”

“Ang mga tao, pilit kaming pinagsasabong with their words kahit na walang nagsasalita. But I will talk. Ako ang magtatanggol sa amin. I will not stop,” sabi pa ni Matet.

Kung buhay si Nora, sinabi ni Matet na hindi ito gugustuhin ng kanilang ina.

“Ayaw niya. Ayaw talaga niya. Gusto niya magkakasundo. I would say maiintindihan ko, kasi nag-aaway din ang panganay ko at pangalawa,” saad niya.

Nauna na rito, itinanggi na rin ni Matet na may alitan sila ni Ian de Leon.

Naging malaking isyu kamakailan ang tila awayan ng magkakapatid na sina Ian, at ang adopted siblings ni Nora na sina Lotlot, Matet, Kiko, at Kenneth matapos ang unang anibersaryo ng pagpanaw ng Superstar.

Sinagot ni Matet ang sinabi ni Ian sa panayam nito kay Rico Hizon na siya ang sole, legal heir ni Nora.

Ayon kay Matet sa isang Fast Talk with Boy Abunda, totoo ito at walang pagdududa sa sinabi ng aktor.

“Totoo naman po, e. Wala naman pong pagdududa du’n. Kumbaga kahit nga hindi na niya sabihin, e. Understandable, alam na po ng lahat ‘yan,” sabi ni Matet. – FRJ GMA News