INAASAHAN na ng Kapuso actress na si Rhian Ramos na mababasura ang mga kasong isinampa laban sa kanila ng mga kaibigang sina Michelle Dee at Samantha Panlilio.
Simula pa lamang daw kasi ay nagsasabi na sila ng totoo at naniniwala sila na ang katotohanan ang magpapalaya sa kanila.
Iyan ang naging tugon ng aktres nang hingan ng reaksyon sa pagbasura ng Makati City Prosecutor’s Office sa mga kasong isinampa ng dati niyang driver.
Kabilang sa mga dinismis ng piskalya ang mga reklamong slight physical injuries, maltreatment, at unlawful arrest na inihain ni Alyas “Totoy” laban sa tatlong personalidad.
Base sa inilabas na resolusyon ng piskal, ang pagbabasura sa kaso ay dahil sa kawalan at kakulangan ng sapat na ebidensya para patunayan ang mga akusasyon laban sa mga inasunto.
“I was on set no’ng nakita ko ‘yong news. So I didn’t really have the opportunity to let it sink in and to think about it. I know the truth,” ang pahayag ni Rhian sa panayam ng GMA.
Aniya pa, “We’ve always said the truth will come out in due time, and the truth will set us free.”
Inakusahan ni Alyas Totoy noong Enero sina Michelle, Rhian at Samantha ng umano’y pambubugbog, pangmamaltrato, at pananakit sa kanya sa loob ng isang condominium unit.
Baka Bet Mo: Mga kaso laban kina Michelle Dee, Rhian Ramos, iba pa ibinasura
Ayon sa complainant, pilit siyang ikinulong laban sa kanyang kagustuhan dahil may kinuha umano siyang personal na gamit mula sa dati niyang among si Rhian.
Nakatakas daw siya sa grupo nina Michelle hanggang sa lumabas na nga ang balita tungkol sa “angpao” na kinuha umano ni Alyas Totoy na naglalaman daw ng mga private at sensitibong litrato.
Mariing itinanggi ng tatlong celebrity ang mga akusasyon ni Alyas Totoy.
Kasalukuyan pa ring dinidinig ang kasong theft at perjury na isinampa naman nina Michelle at Rhian laban kay Alyas Totoy.
The post Rhian Ramos sa pagbasura sa kaso nila ni Michelle: Truth will set us free appeared first on Bandera.
