HUMINGI ng tawad si Pasig City Mayor Vico Sotto sa mga residenteng naapektuhan ng mga pagkaantala sa tatlong infrastructure projects sa Barangay ng Buting, Pinagbuhatan, at Maybunga.
Sa isang post sa social media, inilarawan ng alkalde bilang “unacceptable” ang pangyayari at siya na mismo ang nahihiya tuwing nadaraanan niya ang mga hindi pa natatapos na proyekto.
“Ako po ay humihingi ng paumanhin sa mga napeperwisyo dahil sa mga DELAY ng iilang proyekto sa Buting, PInagbuhatan, at Maybunga ,” saad ni Mayor Vico.
Naglabas na rin siya ng mga notice of termination laban sa contractor na nangangasiwa sa mga proyekto.
Baka Bet Mo: Vico Sotto pumalag sa ‘preventive suspension order’: FAKE NEWS!
Ipagbabawal na rin niya o ipapa-ban ang mga contractor na muling makakuha ng mga kontrata mula sa pamahalaan.
Humigit-kumulang P40.23 milyon ang pinagsama-samang halaga ng tatlong proyekto.
Sa Barangay Buting, 49 porsiyento pa lamang ang natatapos sa P16.7-milyong drainage system at sidewalk project sa kahabaan ng San Guillermo at F. Flores Streets.
Natanggap ng proyekto ang notice to proceed noong February 5, 2025 na ang orihinal na target ng completion ay October 22, 2025.
Samantala, 46 porsiyento pa lamang ang natatapos sa P10.02-milyong interior roads at drainage system project sa Ilugin at Sandoval, Barangay Pinagbuhatan.
Natanggap ng proyekto ang notice to proceed noong February 14, 2025, at una itong itinakdang matapos noong September12, 2025.
Sa Barangay Maybunga, 80 porsiyento na ang natatapos sa P13.52-milyong road reblocking at drainage project mula sa Pasig City General Hospital compound hanggang Eusebio Avenue.
Ayon kay Mayor Vico, natapos na ang mga gawain sa loob ng compound ng ospital, habang hindi pa tapos ang ilang bahagi sa labas nito.
Idinagdag niya na itinigil na ang mga kontrata sa naturang contractor ng mga naturang proyekto at ang mga natitirang gawain ay ipagkakaloob sa ibang contractor alinsunod sa mga batas at regulasyon sa procurement.
Sinabi rin ni Mayor Vico na paiigtingin nilal ang pagsubaybay sa mga infrastructure project habang ipinagpapatuloy ang pagpapatupad ng mga reporma sa procurement.
The post Vico Sotto nag-sorry dahil sa delayed projects sa Pasig: Hiyang-hiya ako appeared first on Bandera.
