Cedrick Juan sa ‘pagtatakip’ ng estado ng bansa sa ASEAN Summit: Nakakasuka!

Cedrick Juan sa ‘pagtatakip’ ng estado ng bansa sa ASEAN Summit: Nakakasuka!

GIGIL na gigil ang award-winning actor na si Cedrick Juan sa ginawang pagtatakip ng gobyerno sa tunay na estado ng kapaligiran sa Metro Manila para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit 2026.

Sa kanyang Facebook post ngayong araw, November 17, hindi napigilan ng aktor ang magalit dahil ang taong pilit itinatago ng gobyerno sa mga bisita ay ang mga taong nililigawan rin nila tuwing halalan para makaupo sa pwesto.

“Naisip ko lang ito dahil sa mga nangyayari sa bansa natin. Lalo na itong ginawa ng administrasyong ito sa ASEAN Summit. Yung pagtatakip sa mga madudumi, pangit, mabaho at hindi kaaya-ayang kapaligiran na dadaanan ng mga world leaders. Para ipakita na ‘maganda’ ang paligid na dadaanan nila at walang traffic,” saad ni Cedrick.

Pagpapatuloy niya, “Isipin mo, itong mga tao at lugar na ito ang nilalapitan, inuuto at binibilog ang ulo kapag malapit na ang eleksyon. Sila ang nililigawan para kuhanin ang boto at babayaran pa para manalo.”

Baka Bet Mo: Cedrick Juan may hiling sa Pasko: Makulong na mga corrupt officials! | Bandera

Kaya naman gigil na gigil si Cedrick dahil ang mga taong dapat na pinagsisilbihan at ginagawang mas magaan ang buhay ang siyang pinapanatiling mahirap para patuloy na “magamit”.

“At dahil pinapanatili na mahirap, mangmang sa realidad at maging isang kahig-isang tuka lang ang maging normal na takbo ng buhay nila. Madali silang nakakaupo sa pwesto.

“Sa makatuwid, lahat ng MAS apektado sa pinaggagawa nilang hindi makatao ay nagpapakita lang na ang masang Pilipino ay disposable na parte ng society,” giit ni Cedrick.

Dagdag pa niya, “Nakakapanlumo, nakakagalit, nakakasuka.”

Sa huli ay hiling ni Cedrick na ma-realize ng mga Pinoy ang ginagawa ng gobyerno na sila ang mas apektado.

“Isa lang ito sa maraming isyung pumapaloob sa pagiging disposable ng masa sa gobyernong ito. Nandyan pa ang pax silica, flood control project scam, inflation, super el niño, kaliwa’t-kanang korapsyon at marami pang iba.

“Masa ang pinakaapektado palagi. Pero lahat tayo ay damay dito,” pagtatapos ni Cedrick.

The post Cedrick Juan sa ‘pagtatakip’ ng estado ng bansa sa ASEAN Summit: Nakakasuka! appeared first on Bandera.

Source link