HINDI lang sa pagkanta, pagsayaw, at pag-arte pwedeng maging bida ang mga tsikiting dahil pwede rin silang humataw sa pagkukwento!
Pinatunayan ito ng anim na batang Pinoy na nag-uwi ng karangalan sa “Batang Lampara, Batang Kuwentista 2026,” isang nationwide storytelling competition na naglalayong hikayatin ang mga kabataan na mas mahalin ang pagbabasa at panitikan.
Kamakailan lang, nasaksihan ng BANDERA ang Grand Finals sa Pasay City kung saan nagtagisan ng galing ang top three finalists sa dalawang magkahiwalay na kategorya.
Sa Category A para sa Grades 1 hanggang 3, itinanghal na first placer si Catriona Xia C. Gacutan, habang second placer naman si Zander Skye H. Saplagio, at third placer si Ameera Estelle E. Incognito.
Baka Bet Mo: Lampara Books naglunsad ng mga aklat kontra reading crisis ng kabataang Pinoy
Samantala, sa Category B para sa Grades 4 hanggang 6, nagwagi bilang first placer si Czarina Sophia L. Hinanay.
Second placer naman si Ma. Daniela C. Mejos, habang third placer si Alamela G. Cacho.
<iframe src="https://www.facebook.com/plugins/post.php?href=https%3A%2F%2Fwww.facebook.com%2Fbanderaphl%2Fposts%2Fpfbid02a6YjxcAaE75GfBncgK32co26VBnz5jFG74tZqqDwTtKPw8pgSxiHu58oG54XSD7Vl&show_text=true&width=500" width="500" height="773" style="border:none;overflow:hidden" scrolling="no" frameborder="0" allowfullscreen="true" allow="autoplay; clipboard-write; encrypted-media; picture-in-picture; web-share"></iframe>
Ibinandera ang mga nagwagi sa isang key segment ng ginanap na Manila International Book Fair (MIBF) 2026, kung saan ipinakita ng mga batang kuwentista na talagang may ibubuga ang bagong henerasyon pagdating sa storytelling.
Bahagi ang “Batang Lampara, Batang Kuwentista 2026” ng mas malawak na adbokasiya ng Lampara Books na mapaigting ang relasyon ng mga bata sa pagbabasa.
Layunin din nitong suportahan ang literacy priorities ng Department of Education (DepEd), partikular ang ARAL Program na nagbibigay ng sistematikong intervention para sa mga learner na nangangailangan ng dagdag na suporta sa academic competencies, lalo na sa reading.
Bukod dito, patuloy ding isinusulong ng Lampara Books ang iba pa nitong literacy programs gaya ng “Magbasa Tayo! (Marungko Approach)” at “Let’s Read! (Systematic Phonics).”
Sa pamamagitan ng mga programang ito, nais ng Lampara Books na matulungan ang mga bata na hindi lang matutong magbasa, kundi magkaroon din ng pangmatagalang pagmamahal sa mga libro at literatura.
Hindi naman basta-basta ang naging laban ng mga batang kuwentista dahil isang panel ng mga eksperto mula sa iba’t ibang larangan ang nagsuri sa kanilang performances.
Kabilang sa mga hurado sina multidisciplinary artist at children’s rights advocate Pepot Atienza; storyteller, puppeteer at professor Melanie Ramirez; UP Diliman creative writing and literature professor Eugene Evasco; UP Diliman Professor of Reading Education at children’s author Portia Padilla; at senior member ng Philippine Educational Theater Association na si Csairus John Habla.
Sa kompetisyon ngayong taon, umabot sa 416 participants mula sa 139 schools nationwide ang sumali.
Mas kapansin-pansin din ang representasyon mula sa labas ng Metro Manila dahil 45 percent ng participants ay mula sa mga lungsod at probinsyang nasa labas ng National Capital Region (NCR).
Nakatulong dito ang online submission system ng kompetisyon, na nagbigay ng pagkakataon sa mga batang mula sa malalayong komunidad at metropolitan areas na makilahok nang hindi na kailangang bumiyahe patungong Maynila.
Ayon kay Segundo Matias Jr., co-founder at president ng Lampara Publishing House, Inc. (Lampara Books), kapansin-pansin ngayong taon ang kakaibang paraan ng mga bata sa pagdadala ng kanilang mga performance.
Sa halip na halatang pinagpraktisan nang todo ang bawat kilos at linya, marami umano sa kanila ang nagbigay ng mas natural at spontaneous na interpretasyon sa kanilang materyal.
“Hindi maikakailang malikhain ang mga bata,” sey ni Matias.
Sa panahon ngayon na mabilis nang nakikisabay ang mga bata sa teknolohiya at artificial intelligence o AI, nananatiling mahalaga ang pagsusulong ng reading literacy.
Para sa Lampara Books, hindi naman kailangang labanan ang makabagong teknolohiya.
Ang mahalaga ay masigurong hindi tuluyang mawawala ang koneksyon ng mga bata sa pagbabasa habang patuloy na umuunlad ang teknolohiya.
Naniniwala rin si Matias na kailangang mahubog ang isang bagong henerasyon ng mga batang hindi lamang marunong magbasa kundi nakikita ang pagbabasa bilang isang bagay na makabuluhan, masaya at paulit-ulit na gustong balikan.
“Ang Batang Lampara, Batang Kuwentista ay isang inisyatibo para lalo pang matutong magbasa ang mga bata. Hindi tayo dapat magpabaya. Gusto ihatid ng Lampara Books na mas masaya ang pagbabasa, kaya ginawa itong pagtatanghal para lalo pang mapalaganap ang pagbabasa,” aniya.
The post 6 batang Pinoy humataw, wagi sa ‘Batang Lampara, Batang Kuwentista 2026’ appeared first on Bandera.
