Nakakulong na sina Senador Jinggoy Estrada at tatlo pa niyang mga kapwa akusado sa isang kaso kaugnay sa flood control corruption sa Quezon City Jail – Male Dormitory, matapos silang ilipat sa pasilidad nitong Lunes, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nitong Martes.
Sa isang pahayag, sinabi ng tagapagsalita ng BJMP na si Jail Superintendent Jayrex Bustinera na inihabilin na sa mga awtoridad ng bilangguan sina Estrada, Denryl Caeser Cortuna, Manny Bumagat Bulusan, at Arturo Lombres Gonzales Jr.
“Cortuna was committed to jail authorities at 5:47 p.m., followed by Senator Estrada, Bulusan, and Gonzales at 8:15 p.m.,” sabi ni Bustinera.
Ayon pa sa kaniya, hindi makatatanggap ng espesyal na pagtrato ang apat na detenado sa kabila ng pagiging “high-profile” ng kaso.
“The BJMP firmly assures the public that no VIP treatment will be extended,” sabi ni Bustinera.
Dagdag pa niya, sumailalim sa mandatory medical screening procedures ang lahat ng apat na detenado matapos ma-admit at isinama sa general persons deprived of liberty (PDL) population ng pasilidad.
Sasailalim sina Estrada at kaniyang mga kapwa akusado sa parehong security at custodial measures na ipapataw sa lahat ng detenado, ayon sa opisyal ng BJMP.
Samantala, nagpalipas ng gabi ang dating kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Manuel Bonoan sa PNP General Hospital matapos siyang sumuko sa pulisya dahil sa mataas na presyon ng dugo.
Naglabas ang Sandiganbayan 5th Division noong Lunes ng warrant of arrest laban kina Estrada at iba pa dahil sa kasong plunder at graft na isinampa ng Office of the Ombudsman. Nauna nang nagpiyansa ang senador kaugnay ng hiwalay na kasong graft.
Itinanggi ni Estrada ang mga paratang.
“Mariin kong itinatanggi ang mga paratang laban sa akin. Ang mga ito ay walang batayan at walang bahid ng katotohanan,” nauna nang sinabi ni Estrada. — VBL GMA News